Calendar
2 suspek hagip sa CCTV pagnenok ng cellphone, kulong
TIMBOG ang dalawang kawatan nang mahagip ng CCTV camera ang ginawang pagnenok sa mamahaling cellular phone ng call center agent Miyerkules ng madaling araw sa Pasay City.
Nakasaad sa ulat ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang na ipinarada ng biktimang si alyas “Kyrk”, 31, sa harap ng kanyang tirahan sa Brgy. 197 ang motorsiklo dakong alas-2:50 ng madaling araw at kaagad pumasok ng tirahan ng hindi namamalayang naiwan niya ang cellphone sa unahang compartment.
Kaagad namang lumabas ang biktima nang maalala ang naiwang gadget subalit wala na ito sa compartment ng kanyang motorsiklo kaya’t agad siyang nagtungo sa barangay hall upang hilinging rebisahin ang kuha ng CCTV at dito nakita ang pagparada ng isang motorsiklo, sakay ang dalawang lalaki, na mabilis nasungkit ang cellular phone.
Nakilala naman ng mga opisyal ng barangay ang may-ari ng motorsiklo na si alyas “Mirano”, 27, kaya’t kaagad silang nagtungo sa tirahan nito sa Firemens Row, Brgy. 197 na umaming sila nga ni alyas “Rash”, 22, ang pumitik sa Iphone Promax ng biktima na nagkakahalaga ng P96,000.00 at ibinenta nila ng mabilisan sa Baclaran.
Nabawi naman ng mga opisyal ng barangay ang ninenok na cellular phone sa pinagbentahan nito sa Baclaran kaya’t dinala ang mga suspek sa Pasay Police Sub-Station 8, bago na-turn over sa Investigation and Detective Management Section (IDMS) ng Pasay police, pati na ang nabawing nakaw na gadget at ginamit na motorsiklo ng mga kawatan.
Ayon kay Pasay City Police Chief P/Col. Samuel Pabonita, inihahanda na ng kanyang mga tauhan ang pagsasampa ng kasong Theft laban sa mga suspek sa Pasay City Prosecutor’s Office.