Calendar
Taga-Malaysia arestado sa entrapment dahil sa pananakot, kotong
ARESTADO sa entrapment ang Malaysian national na nananakot at nagtangkang kikilan ang lalaking Chinese sa Makati City noong Martes.
Ikinasa ng mga tauhan ng Poblacion Sub-Station ng Makati police ang entrapment laban kay alyas Leon, 34, nang magreklamo ang biktimang si alyas Ziyao ng pananakot at panghihingi sa kanya ng salapi ng suspek.
Sa pahayag ng biktima na ipinadaan sa kanyang kasamang si alyas Eugene, alas-7:40 ng gabi noong Oktubre 29 nanghingi ng P120,000 ang suspek kapalit ng hindi na pagtutuloy na kasong kidnapping laban sa kanya.
Lalu pang nabagabag ang biktima nang takutin siya na isasapubliko at ikakalat ang kopya ng kanyang pasaporte.
Dahil dito, ikinasa ng mga pulis ang entrapment para sa suspek sa isang building sa Brgy. Poblacion, Makati dakong alas-10:40 ng gabi matapos magkunwaring pumayag ang biktima sa kagustuhan ni Leon.
Nang tanggapin ng suspek ang P120,000 na markadong salapi, kinalawit na siya nina P/SSg Rodel Lalilarmo at Pat. Keivin John Remiendo na nagmamasid sa kanilang transaksiyon.
“This successful operation is a testament to the dedication and efficiency of our police force in combating crime.
We remain committed to ensuring the safety and security of all residents and expatriates in our jurisdiction,” pahayag ni Southern Police District Director B/Gen. Bernard Yang.