Apo Vangelis

Ayaw namin kay Tito Sotto

Apo Vangelis Apr 5, 2022
246 Views

NAIS ng kabataan ipabatid sa madla na ayaw namin maging bise presidente si Tito Sotto.

Para sa amin, walang kwentang mambabatas si Sotto at kitang-kita ito sa kung anong mga pinaggagawa niya sa Senado nitong nakalampas na ilang mga taon.

Isang halimbawa ang kanyang linikhang “Anti-Cyber Libel Law” nuong 2012. Kulang-kulang ang kanyang linagay sa nasabing batas kaya ayon, nagkakagulo ang mga nagdedemanda at mga nadedemanda ng cyber libel.

Ano ang dahilan? Salungat ang “Anti-Cyber Libel Law” ni Sotto sa mga nakasulat sa Revised Penal Code o ang Kodigo Penal, na siyang nagbabawal sa libelo. Kahit si Justice Secretary Menardo Guevarra, tila sang-ayon na gumulo ang batas sa libelo dahil sa “Anti-Cyber Libel Law” ni Sotto.

Maliwanag na imbis na nakatulong si Sotto sa pagpapabilis ng patakbo ng katarungan sa bansa, lalo lang naguluhan ang mga tao.

Gagawa na rin si Sotto ng batas, palpak pa.

Bakit hindi palpalpak si Sotto?

Bago kasi naging senador si Sotto, siya ay komedyante sa TV at sa sine bilang kasapi sa grupong komikero na “Tito, Vic and Joey.”

Kung ating tutuusin, walang kabutihang naituturo sa kabataan ang kanilang palabas na Eat Bulaga! sa loob ng lampas na 40 taon sa himpapawid ng nasabing palatuntunan. Puro kengkuyan lang ang naihahatid na mensahe sa kabataan ng nasabing palabas.

Nakatulong ba sa pagpapaulad ng uri ng kaalaman ng kabataang Pilipino ang Eat Bulaga! ni Sotto? Hindi! Dahil sa masamang halimbawa ng uri ng mga patawa sa Eat Bulaga!, karamihan ng kabataang Pilipino ngayon ay hirap magsalita at magsulat sa wikang Pilipino at sa wikang Ingles. Ang tinuro sa kanila ng Eat Bulaga! ay ang Taglish, o ang paghalo ng Tagalog at Ingles sa bawat pangungusap.

Malakas ang inpluwensiya ng Eat Bulaga! sa kabataan, ngunit ito ay ginamit ni Sotto at ng kanyang grupo upang maengganyo ang kabataan magsalita ng baluktot na Tagalog at Ingles.

Ayon, hirap ang kabataang Pilipino sa mga interview kapag sila ay naghahanap ng trabaho, lalo na sa mga negosyong nangangailangan ng wastong pagsasalita sa Ingles.

Sinasabi rin ng mga kalaban ni Sotto na dapat niya ipaliwanag ang nangyari kay Pepsi Paloma, isang boldstar na naging panauhin sa Eat Bulaga! na nagreklamo ng panggagahasa. Nagpakamatay si Paloma nuong 1985.

Nuong 2018, hiniling ni Sotto na burahin sa isang online site ng isang kilalang pahayagan sa wikang Ingles ang mga dating ulat tungkol kay Paloma. Bakit?

Pinapalabas ni Sotto na taga-pagtanggol siya ng mga karapatan ng Pilipino. Kung ganon, bakit niya nais pagtanggal ang mga ulat sa online media tungkol kay Paloma?

Ngayong tumatakbo si Sotto sa pagkabise-presidente, dapat linawin niya kung ano talaga ang nangyari sa kaso ni Paloma.

Para sa aming mga kabataang Pilipino, ayaw namin kay Sotto dahil siya ay maraming itinatago sa taong bayan.

Hindi siya karapat-dapat maging bise presidente, at hindi siya dapat ihalal sa darating na Mayo.

Maraming salamat, po.