Senate President Francis "Chiz" Escudero Senate President Francis “Chiz” Escudero

Budget ng OVP, iba pang govt agencies tututukan ng mga senador

13 Views

SENTRO ng atensyon ng mga senador ang pambansang budget at tatalakayin ang mga pangangailangan ng bawat ahensiya ng gobyerno sa pagsisimula ng sesyon ng Senado sa darating na linggo.

Ayon kay Senate President Francis “Chiz” Escudero, plano ng Senado na suriin nang mabuti ang paggastos ng mga ahensiya at tiyakin ang mas mahusay na alokasyon ng pondo.

Isa sa mga budget na nasa ilalim ng malalim na pagsusuri ang budget ng Office of the Vice President (OVP) na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte na nabawasan ng P1.3 bilyon.

Ayon sa mga ulat, inilipat ng Kamara ang pondo ng OVP para sa social aid sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH) sa paniniwalang mas mabisa ang mga ahensyang ito sa paghahatid ng tulong sa publiko.

Ayon kay Escudero, mahalagang maidepensa at ipagtanggol ng mga ahensiya ang kanilang budget at inaasahan niya ito bagama’t ang opisina ng OVP hindi ipinagtanggol ang kanilang budget.

“Parang wala naman yata silang balak ipagtanggol ‘yung budget niya. Parang hindi naman siya humihiling ng mas malaking budget hindi tulad ng ibang ahensiya,” sabi ni Escudero.

Sinabi ni Escudero na titingnan din ng mga senador ang pagiging epektibo ng paggastos sa mga pangunahing ahensiya tulad ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), Department of Public Works and Highways (DPWH) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ipinunto ni Escudero ang P500 milyong sobra ng PhilHealth bilang isang posibleng mapagkukunan upang hindi na kailanganin ang mga susunod na subsidiya at binigyang-diin ang pangangailangan na magamit ang mga pondo para sa kapakinabangan ng publiko.

Ang DPWH at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ay haharap din sa mga katanungan tungkol sa kanilang paghawak sa mga proyekto para sa flood control at climate resilience, lalo na sa harap ng kamakailang pagbaha sa Bicol at iba pang mga lugar.

Binigyang-diin ni Escudero ang kahalagahan ng estratehikong alokasyon ng budget.

“Governance is about allocating scarce resources. If we are able to allocate properly, then we govern properly,” sabi niya.

Nanawagan siya para sa mas mataas na antas ng pananagutan at mas epektibong paggamit ng pondo ng gobyerno sa lahat ng sektor.

Ayon kay Escudero, ang hindi nagamit na pondo mula sa iba’t ibang ahensiya, kasama na ang OVP at BARMM, maaaring ilipat sa mga sektor na may mas mataas na prayoridad tulad ng edukasyon at imprastruktura.

Inaasahan ng Senado na tatapusin ang kanilang mga rekomendasyon sa budget sa huling bahagi ng buwan.

“At the end of the day, this is about making sure every peso serves the public good,” pagtatapos niya