Calendar
PBBM pipirmahan na isinusulong na permanenteng evacutation centers ni Speaker Romualdez
INAASAHAN na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa lalong madaling panahon ang panukalang isinusulong ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa pagtatayo ng mga permanente at storm-resilient evacuation centers sa buong bansa.
Ang panukalang “Ligtas Pinoy Centers Act” ay naglalayon na makapagtayo ang gobyerno ng mga evacuation center na fully equipped at disaster-ready sa bawat lungsod at munisipalidad na magsisilbing kanlungan ng mga pamilyang masasalanta ng sakuna o kalamidad na pinalala ng pagbabago ng klima.
Habang bumabangon ang bansa mula sa epekto ng bagyong Kristine, sinabi ni Speaker Romualdez na ang panukalang batas ay magsisilbi bilang isang pananggalang na magliligtas ng buhay para sa mga pamilyang Pilipino laban sa matinding sama ng panahon.
“The devastation of recent storms shows us the urgent need to act,” ayon pa kay Speaker Romualdez, pinuno ng higit sa 300-kinatawan ng Kamara de Representantes.
“The Ligtas Pinoy Centers Act represents our commitment to safeguarding every Filipino in times of crisis, ensuring that each city and municipality will have a secure, fully equipped center to shelter and support evacuees,” dagdag pa nito.
Ang pinagsamang House Bill (HB) No. 7354 at Senate Bill (SB) No. 2451 ay kasalukuyang nasa huling yugto na ng proseso bago ipadala kay Pangulong Marcos para sa kanyang lagda.
Sa ilalim ng panukala, ang bawat center na itatayo ay dapat hindi masira ng hangin ng bagyo na may lakas na 300 kilometro bawat oras at lindol na may pagyanig na hanggang 8.0 magnitude.
Pangungunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatayo ng mga evacuation center katuwang ang mga lokal na pamahalaan, alinsunod sa mahigpit na panuntunan ng National Building Code.
Saklaw din ng panukalang batas, ang pagbibigay ng prayoridad sa mga lugar na mataas ang banta ng mga sakuna.
Inatasan naman ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tukuyin kung saang lugar ang angkop na mapagtayuan ng mga center.
Bahagi ng pasilidad ang pagkakaroon ng mga tulugan, health care stations, shower at toilet facilities, at mga lugar para sa mga bata at kababaihan, gayundin para sa mga may kapansanan.
“Each center will be a stronghold where communities can find safety, comfort, and the essentials they need during an emergency,” ayon kay Speaker Romualdez.
“These centers are more than buildings; they are our nation’s promise to leave no Filipino unprotected,” giit pa nito.
Pinapayagan din ng panukalang batas ang mga lokal na pamahalaan na itakda ang mga kasalukuyang istraktura bilang mga evacuation center kung nakasunod ang mga ito sa itinakdang panuntunan ng batas.
Bahagi din ng bawat Ligtas Pinoy Center ang pagkakaroon ng mga pasilidad para sa sanitasyon, mga lugar para sa paghahanda ng pagkain, emergency power, at mga nakatalagang lugar para sa mga alagang hayop — kinikilala na maraming pamilyang Pilipino ang lumilikas kasama ang mga alagang hayop na mahalaga sa kanilang kabuhayan.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez na ang batas na ito ay isang makabuluhang hakbang sa mas malawak na estratehiya ng gobyerno para sa kakayahang tumagal sa mga hamon ng klima.
Ang Pilipinas, isa sa mga bansa na pinaka-madalas tamaan ng mga sakuna sa buong mundo, ay nakakaranas ng mga bagyo, pagbaha, at lindol taun-taon, na nakakaapekto sa buhay ng libu-libong indibidwal.
Ang batas na ito ang tutugon sa patuloy na panawagan ng mga lokal na komunidad para sa pagkakaroon ng mas ligtas at matibay na imprastruktura na kayang harapin ang mga natural at man-made calamities.
“We are building a future where our communities can endure, where our families are safe, and where our nation stands ready to face the escalating impact of climate change,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.
“The Ligtas Pinoy Centers Act is both a reflection of our resolve and a beacon of hope for a safer, more prepared Philippines,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Magmumula ang inisyal na pondo para sa pagpapatupad nito sa kasalukuyang alokasyon ng mga ahensya at isasama na sa taunang badyet ng gobyerno.
Sa oras na pagtibayin bilang batas, inaasahan na masisimulan na itong ipatupad sa mga susunod na taon.
“This Act sends a clear message to every Filipino: in times of crisis, your safety and dignity are our priority,” giit pa ni Speaker Romualdez. “With the Ligtas Pinoy Centers, help is near, and refuge is certain.”