Chua Manila Rep. Joel Chua

House Blue Ribbon panel chair nais malaman kung binigyan ni VP Sara ng travel authority COS

53 Views

KINUKUMPIRMA ng chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability kung mismong si Vice President Sara Duterte ang lumagda sa travel authority ng chief-of-staff ng Office of the Vice President (OVP) na si Zuleika Lopez para makabiyahe ito sa Estados Unidos sa gitna ng imbestigasyong isinasagawa nito kaugnay ng iregularidad sa confidential funds.

Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chair ng komite na kilala rin bilang House Blue Ribbon committee, may mga mapagkakatiwalaang sources ang nagsabi ng impormasyong ito at kasalukuyan nilang inaalaman kung totoo.

Sinabi ni Chua na ang biglaang pag-alis ni Lopez ay tila isang pagtatangkang umiwas sa pagtestigo sa imbestigasyon ng kanyang komite ukol sa umano’y maling paggamit ng confidential fund ng OVP at Department of Education (DepEd)na may kabuuang halagang P612.5 milyon.

“Nakakalungkot na tila may effort na pigilan ang mga opisyal ng OVP sa pagharap sa aming imbestigasyon. Inaalam pa namin kung totoo nga bang si VP Duterte mismo ang pumirma sa travel authority ng kanyang chief-of-staff na lumipad papuntang U.S. bago ang ating hearing,” ayon kay Chua.

Ang imbestigasyon ng komite ay nakasentro sa P500 milyong confidential funds na ginastos ng OVP at P112.5 milyon na nasa ilalim naman ng DepEd, noong pinamumunuan pa ito ng Bise Presidente.

Ayon kay Chua, ang hindi pagdalo ni Lopez at ng iba pang matataas na opisyal ng OVP ay nakakahadlang sa pagsisikap ng komite na malinawan ang isyu ng umano’y maling paggamit ng pondo.

Ipinunto pa ng mambabatas na pinuna ng Commission on Audit (COA) ang malaking bahagi ng ginastos na confidential funds ni Duterte noong 2022 at 2023. Kasama rito ang P125 milyong confidential fund ng OVP na ginastos sa loob ng 11 araw noong Disyembre 2022.

“Bukod sa pagpigil sa kanyang mga opisyal, tinangka pa ng OVP na kumbinsihin ang COA para hindi ipasa sa amin sa House of Representatives ang mga dokumento sa amin,” ayon kay Chua, na tinutukoy ang isang liham mula sa OVP na naglalaman ng kahilingan sa COA na huwag ibigay ang mga audit documents sa Kamara.

Sa isang liham na may petsang Agosto 21, 2024, iginiit ng OVP na nilabag ng subpoena ng House Committee on Appropriations ang separation of powers at maaaring makagambala sa malayang proseso ng pag-audit ng COA.

Ang liham ay nagmungkahi sa COA na itago ang mga dokumento ng audit hinggil sa paggamit ng confidential fund ng OVP, na una ng napuna dahil sa mga kaduda-dudang paggastos, kabilang na ang P73 milyong hindi pinayagan sa loob lamang ng ilang araw noong katapusan ng 2022.

“Ang tanong ng taumbayan ay simple lang: Saan napunta ang pondong ito?” giit ni Chua.

“Instead of answering, they are trying to prevent COA from sharing important documents with the House of Representatives. This is a disservice to the Filipino people, who deserve transparency and accountability in the use of public funds,” dagdag pa ng mambabatas.

“Nakita naman natin sa hearings ng Blue Ribbon na may irregularidad sa paggastos, at ito ang dahilan kung bakit kailangan nilang humarap sa taumbayan. Kailangan malinawan ang bayan sa isyung ito. The people deserve answers, especially when public funds are involved,” saad ni Chua.

Binanggit din niya na patuloy na iniiwasan ni Duterte na harapin ng direkta ang mga isyu ng umano’y maling paggamit ng mga pondo, kahit na ang mga pangunahing opisyal niya ay pinipigilang dumalo sa mga pagdinig.

Ayon kay Chua, ang paulit-ulit na pagliban ng mga opisyal ng OVP, kabilang si Lopez, ay nagpapakita ng kakulangan sa transparency at accountability.

“Ang patuloy na hindi pagdalo sa aming mga hearings ay parang pagtakas sa pananagutan. Sooner or later, VP Duterte and the officials of the OVP will have to answer these questions. Hinding-hindi nila ito matatakasan,” ayon kay Chua.

“Kung malinis ang kanilang intensyon, dapat nilang ipaliwanag sa bayan kung paano nila ginastos ang pondong ito. Public accountability is not just a requirement; it’s a duty,” dagdag pa ng kongresista.