Senate of The Philippines

Young Guns walang nakikitang problema sa pagsertipika ng Senado sa transcript ng Duterte drug war probe

36 Views

WALANG nakikitang problema ang dalawang lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes kung sesertipikahan ng Senado ang transcript ng pagdinig nito kaugnay ng war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipadadala sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kina Deputy Majority Leader Jude Acidre ng Tingog Party-list at Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list ang pagdinig ng Senado ay isang pampublikong pagdinig kaya wala umanong dahilan kung bakit haharangin ang pagsasapubliko ng transcript.

Ipinunto ni Acidre na ang pagdinig ng Senado, kung saan inako ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang buong responsibilidad sa giyera kontra iligal na droga, ay ipinalabas ng live sa social media kaya napanood ito ng publiko.

“Well, the Senate hearing was a public proceeding. Nakita nga, it was streamed live in social media. It’s a matter of certifying. I don’t think there’s going to be a problem with it,” sabi ni Acidre.

Kinuwestyon naman nito ang alinlangan ng ilang senador sa pagbabahagi ng naturang transcript sa ICC, at sinabi na hindi dapat isiping nakikipagtulungan na ang bansa sa international body kung bibigyan ito ng kopya.

“I don’t see the point of the good senator (Bato dela Rosa) kung bakit ayaw niya. It cannot be misconstrued as cooperating because other than what actually happened and what actually has been said, wala namang idadagdag doon,” dagdag ni Acidre.

Punto ni Acidre na kung ang mga salaysay sa pag-dinig ay pawang katotohanan lang ay walang dapat ikatakot kung ibahagi ang naturang transcript sa iba.

“Kung naniniwala naman na ‘yung katotohanan ay nasabi, kung totoo yung sinabi doon sa Senate hearing, kahit kanino pa i-submit ‘yun, hindi naman magbabago ‘yun eh. Ang katotohanan will remain to be the truth,” giit pa niya.

Sumang-ayon naman dito si Bongalon at sinabi na wala siyang nakikitang dahilan para hindi pagbigyan ng Senado kung lehitimo naman ang rason ng paghingi sa official transcript.

Pinatutungkulan niya ang pahayag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na kung may justifiable na rason para sa pag-hingi at walang dapat tumutol dito.

“For me, I don’t see any reason for the Senate not to grant any request for the official transcript of the Senate Blue Ribbon Committee,” ani Bongalon

“If it’s for a justifiable purpose, then they will issue it. Ano po ba ang dapat katakutan kung ito po ay i-release?” dagdag pa nito.

Pinabulaanan din ni Bongalon na ang pagbibigay ng kopya ng transcript ay pagtulong sa ICC dahil independent ang ginagawang imbestigasyon ng ICC.

“I guess the grant of any request for the transcript is not in any way aiding the ICC because we have to remember that ICC is doing any investigation independently. So dapat hindi tayo maging hadlang sa ano man ang magiging investigation ng ICC,” paliwanag pa ng mambabatas.