Rep. Rolando Valeriano

Pagbulusok ng trust rating ni VP Sara resulta ng kawalan ng tiwala ng maraming Pilipino

Mar Rodriguez Nov 6, 2024
13 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na ang pagbulusok ng trust rating ni Vice President Inday Sara Duterte ay maliwanag na resulta ng kawalan na ng tiwala ng nakararaming Pilipino sa Pangalawang Pangulo bunsod ng kabiguan nitong maipaliwanag ang kuwestiyonableng paggastos nito sa milyon-pisong confidential fund.

Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, maging siya ay hindi narin nagulat sa pagbaba o pagbulusok ng trust at performance ratings ni VP Sara dahil na rin sa mga samu’t-saring isyu na kasalukuyang kinakaharap nito na nagkaroon ng impact sa kaniya bilang Pangalawang Pangulo.

Pagdidiin ni Valeriano na ang patuloy na pagbagsak ng trust at performance ratings ni VP Duterte batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research ay nagpapakita lamang aniya ng patuloy na kawalan ng tiwala sa kaniya ng mga Pilipino bunsod narin ng kawalan ng transparency ng Bise Presidente patungkol sa kung papaano at saan nito ginastos ang milyon-pisong confidential fund.

Sabi pa ng kongresista na napaka-simple lamang aniya ang tanong para kay VP Sara. Ito ay kung saan at papaano nito ginastos ang naturang milyon pisong pondo. Subalit tila nahihirapan umanong maipaliwanag ng Pangalawang Pangulo sapagkat lumilitaw lamang na hindi opisyal ang ginawa nitong paggastos sa confidential fund.

Muling binigyang diin ni Valeriano na mistulang nahihirapan si VP Sara Duterte na ipaliwanag o papaano nito ipapaliwanag ang kuwestiyonableng paggamit nito sa confidential fund kung saan ang mga inupahan nitong safehouses ay binayaran ng P16 million para lamang sa labing-isang araw.

Nauna rito, ipinahayag ni House Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales, Jr. na hindi narin aniya nakakagulat ang pagbaba ng trust at performance ratings ni VP Sara na resulta lamang na wala ng kumpiyansa sa kaniya ang nakararaming Pilipino dulot ng mabibigat na kontrobersiyang kinasasangkutan nito.

“Ang resulta ng survey ay isang maliwanag na indikasyon na sirang-sira na ang reputasyon ni VP Sara. Wala ng tiwala sa kaniya ang mga Pilipino. Kaya mismong siya ay hindi na dapat magulat. May kasabihan nga. Buntot mo, hila mo,” dagdag pa ni Valeriano.

To God be the Glory