OFW Partylist

OFW Party List inilunsad ang LAGO para sa mga OFWs, kanilang pamilya

Mar Rodriguez Nov 8, 2024
13 Views

OFW PartylistOFW Partylist OFW PartylistNAGPAABOT ng tulong pang-kabuhayan si OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino para sa libo-libong Overseas Filipino Workers (OFWs) kabilang na ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng inilunsad nitong Livelihood Assistance Grants for OFWs (LAGO) para sa tinatayang dalawamput limang kuwalipikadong benepisyaryo.

Ayon kay Magsino, layunin ng naturang programa na magbigay ng tulong pinansiyal para sa mga dating OFWs na “balik Pilipinas” kabilang na ang kanilang pamilya upang matulungan silang makapagsimula ng kanilang pagkakakitaan at mapalaki ang kanilang maliit na negosyo sa Pilipinas.

Sabi ni Magsino na namahagi sila ng P20,000 financial assistance sa bawat kuwalipikadong OFWs na nagbalik na sa Pilipinas at nagdesisyong permanente ng manirahan sa bansa. Ang pondong ito ay naglalayong masuportahan ang mga nagbabalik na OFWs na makapagpatayo at mapalago ang kanilang kabuhayan.

Ipinabatid pa ng OFW Party List solon na isa sa mga benepisyaryo ng LAGO ay ang dating OFW na si Antolin Gumaro na nagma-may-ari ng negosyong “Apol’s Bags”.

Si Gumaro aniya ay dating nagta-trabaho bilang factory worker sa garment industry sa Taiwan at Vietnam. Subalit nagdesisyon si Gumaro na bumalik ng Pilipinas upang mapatapos nito ng pag-aaral ang kaniyang mga anak.

“Malaki ang maitutulong ng LAGO sa amin. Pagkatapos ng pandemiya, talagang bumagsak ang negosyo namin. Sa mga panahong iyon, maraming tao ang natakot lumabas. Kaya halos walang bumibili ng mga produkto namim, nang matanggap namin ang livelihood assistance mula sa LAGO ng OFW Party List. Nagkaroon kami ng pagkakataon para muling makabangon,” pahayag ng dating OFW na si Antolin Gumaro.

Paliwanag ni Magsino na ang kanilang inisyatiba ay bilang pagtupad sa kanilang commitment upang mabigyan ng disenteng kabuhayan ang mga OFWs at kanilang pamilya. Kasama na dito ang pagpapataas sa antas ng kanilang pamumuhay dito sa Pilipinas.

To God be the Glory