Bro. Marianito Agustin

“Kung sinoman sa inyo ang may isang daang tupa at mawalan ng isa. Ano ang gagawin niya? Hindi ba’t iiwan niya ang siyamnapu’t-siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito’y matagpuan”. (Lucas 15:4)

54 Views

MARAHIL ay nasusubaybayan natin ang mala-tele-seryeng pagdinig ng Quad Committee sa Kamara de Representantes na kasalukuyang nag-iimbestiga sa samu’t-saring kontrobersiya na kinasangkutan ng nagdaang administrasyon kabilang na dito ang brutal at kahambal-hambal na Extra-Judicial Killings (EJK) o ang walang habas na pagkitil ng mga inosenteng buhay.

Sa patuloy na pagsubaybay natin sa pagsisiyasat ng House Quad Committee. Unti-unting tumatambad sa atin at sumasambulat sa publiko ang mga naganap na pagpatay, pagdanak ng dugo at pagkitil sa buhay ng mga taong hindi man lamang binigyan ng pagkakataon. At ang masakit pa nito, kahit sumusuko na at nagmamakaawa ay tinuluyan parin ng mga tinaguriang “berdugo” na umastang parang mga Diyos na para bang sila ang may karapatang kitilin o wakasan ang buhay ng mga tampalasan sa Lipunan.

Para sa mga taong ito, ang mga kriminal at mga taong sangkot sa iba’t-ibang krimen ay hindi dapat bigyan ng pagkakataon para mabuhay at muling makapaghasik ng kabuktutan at kasamaan. Kaya para sa kanila, “bala” at kamatayan ang nakikita nilang mabisang solusyon upang tumino ang ating Lipunan.

ANG MGA MAKASALANAN AY HINAHANAP NG DIYOS:

Ang prinsipyo at pananaw ng mga taong gumagamit ng karahasan para daw patinuin ang isang maligalig na Lipunan ay taliwas sa mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 15:1-10) patungkol sa talinghaga ng “Ang Nawawala at Natagpuang Tupa” kung saan ang Pastol na naglalarawan sa ating Panginoong HesuKristo ay matiyagang hinahanap ang mga tupang naliligaw (mga makasalanan) at hindi siya titigil at hihinto sa paghahanap hanggang sa ito’y kaniyang matagpuan.

Iiwan niya ang siyamnapu’t-siyam para lamang hanapin ang nag-iisang naliligaw na tupa. Ang tanong bakit? Ano ba ang mayroon sa nag-iisang tupa na ito at kailangan pang hanapin? Puwede naman hayaan na lamang siya. Tutal, marami pa naman tupa ang nasa pastulan kaya maaaring hayaan na lamang siya kung saanman lugar siya naroroon. Bakit pa nga naman pag-aasayahan pa ng panahon at oras ang tupang ito gayong puwede naman siyang palitan?

Tulad ng nawawalang tupa. Ang mga makasalanan ay hinahanap ng Diyos. Hindi siya hihinto sa paghahanap hanggang sa ito’y kaniyang matagpuan. Sapagkat mahalaga para sa Panginoon ang nag-iisang tupang ito (makasalanan) dahil hindi niya maaatim na tuluyang maligaw at mapariwara ang nawawalang tupang ito kahit para sa iba ito’y walang kuwenta at hindi na dapat pang pag-aksayahan ng panahon at oras.

Gaya ng pagtingin ng mga “berdugo” sa mga kriminal at makasalanan na pinapatay nila. Kung saan, ang katwiran nila ay “okey lang na patayin ang mga iyan. Tutal, masamang tao naman iyan at salot sa Lipunan, baka nga pasalamatan pa kami ng Diyos kasi binabawasan namin ang mga masasama”.

Kung ang Panginoong Diyos ang hahatol laban sa mga masasama at makasalanan tulad ng ginagawa ng mga berdugo sa nagdaang administrasyon. Baka walang matira, baka iilan lang ang mabuhay sapagkat mas marami ang makasalanan kaysa sa mga taong mabubuti.

MENSAHE NG EBANGHELYO;

Subalit hindi naman “mata sa mata” at “ngipin sa ngipin” ang mensahe ng Pagbasa kundi ang pagpapatawad at paghahanap sa mga makasalanan sapagkat sa pananaw ng Panginoon ang mga makasalanan ay dapat bigyan ng pagkakataon upang magbago at magbalik loob sa Diyos. Dito natin makikita ang pag-ibig ng Diyos para sa mga nakakagawa ng pagkakamali sa kanilang buhay.

Hindi malupit ang ating Panginoon na kung sinoman ang magkasala ay agad na mapupunta sa impiyerno at dapat mamatay dahil hindi kailanman sinusukuan ng Diyos ang mga makasalanan kahit gaano pa karami at kalaki ang kanilang pagkakasala.

Mababasa natin sa Ebanghelyo na nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapag-turo ng Kautusan kung bakit nakikisalo at nakikisama si Jesus sa mga makasalanan. (Lucas 15:1-3) kaya para sagutin ang mga taong ito. Isinalaysay ni Jesus ang kuwento tungkol sa nawawalang tupa.

Si Jesus narin ang nagsabi na hindi siya naparito para sa ibabaw ng lupa para sa mga mabubuti kundi para sa mga makasalanan dahil hindi nangangailangan ng manggagamot ang mga walang sakit. Tayong mga makasalan ay may karamdaman. Ang ating karamdaman ay ang pagkamakasarili (selfishness), pagnanasa, pagsisiningaling, mapanira ng kapwa, palamura, mamamatay tao, magnanakaw, mayabang at iba pa.

Sa labing-dalawang Apostol ni Jesus. Mayroon ba duon ang hindi makasalanan o nakagawa ng kasalanan? Ang lahat sa kanila ay mga dating makasalanan subalit tinawag silang lahat ni Kristo para sumunod sa kaniya at magbagong buhay. Tinalikuran nila ang kasalanan para tahakin ang landas patungo sa kaluwalhatian ng Panginoon.

Hindi tinignan ni Jesus ang dami ng kanilang mga kasalanan kundi ang pagkakataon na puwede pa silang magbago at may pag-asa pang magbago ang pananaw nila sa buhay kahit na ang tingin sa kanila ng ibang tao ay mga salot ng Lipunan tulad ni Mateo o Levi na dating kolektor ng buwis (Mateo 9:9-13) na tinawag ni Jesus para sumunod sa kaniya.

Ang mensaheng ibinibigay ng Ebanghelyo ay napakalinaw. Ang mga taong sa tingin ng ating kapwa ay basura o junk ay kaya pang linisin at ayusin ng Panginoon. Hindi kailangan patayin kundi ang tulungang magbagong buhay. Sapagkat gaya ng isang sirang kasangkapan kahit gaano pa kalaki ang sira nito ay kaya pang ayusin at remedyuhan – may pag-asa pa. Kailangan lamang pagtiyagaan hanggang tuluyang gumaling sa kaniyang karamdaman (kasalanan) at malinis ang dating marumi niyang pagkatao.

Nasira man ang ating buhay dahil sa masamang bisyo, pagkalulong sa illegal na droga, pagsusugal, pakiki-apid, paglalasing at pagnanakaw at pagpatay. Puwede pa tayong gawing bago. Ang kailangan lamang natin gawin ay ang mapagkumbabang lumapit sa Diyos hingin ang kaniyang pagpapatawad at tuluyang talikuran ang kasalanan. Dapat ay magbago tayo ng landas at mangakong hindi na kailanman babalik sa ating lumang buhay.

Wala naman tao ang hindi nagkamali at nagkasala sapagkat tayong mga nilalang ng Diyos ay mortal at hindi immortal at walang perpekto dahil tanging ang Diyos lamang ang perpekto. Kaya ang sabi niya. “Be perfect as your heavenly father is perfect” (Matero 5:48) kaya ang hindi perpekto ay dapat natin tulungang maging perpekto ayon sa nais ng Diyos. Hindi kailangang patayin o gamitan ng kamay na bakal.

Kung ang inaakala ng mga berdugo na ang pagpatay ay magpapabago sa takbo ng isang Lipunan. Nagkakamali sila sapagkat gawin man nila oras-oras o minu-minuto ang mga pagpatay laban sa mga kriminal hindi parin mauubos ang mga masasama hangga’t nagpapatuloy ang ugat ng pagkakasala. Ang mga makasalanan ay biktima lamang ng sanhi ng pagkakasala.

Kung nais nilang mabawasan kundi man tuluyang mapuksa ang mga masasama. Ang unahin nilang puksain ay ang mga bagay na nagtutulak sa tao para magkasala gaya ng korapsiyon, illegal na droga, pagkalulong sa sugal at iba pa. Ang kailangan ng tao para magbago ay maipaunawa sa kaniya ang kaniyang mga nagawang pagkakamali.

Ang taong may sakit ba ay kailangang patayin o dapat siyang gamutin? Ubusin man nila ang kanilang mga bala laban sa mga kriminal kung patuloy parin magpapasailalim sa pagkakasala ang tao. Hinding hindi parin mawawala ang kasamaan. Silang mga berdugo ang lalo lamang nagpapadagdag sa bilang ng mga masasamang tao na naririto sa ibabaw ng mundo.

AMEN