Gatchalian

Panukalang batas na maghahanay sa PH capital market sa ASEAN inihain ni Sen. Win

21 Views

NAGHAIN si Sen. Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong ihanay ang capital market ng Pilipinas sa ibang bansa sa ASEAN para makaakit ng mga mamumuhunan na magpapaunlad ng merkado at ekonomiya.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2865 o Capital Markets Efficiency Promotion Act na na kapag naisabatas maglalagay sa mga tax rates ng bansa sa kita mula sa capital investments nang mas malapit sa ibang mga bansa sa ASEAN.

“Mas mahal ang pamumuhunan sa Pilipinas kung ikukumpara sa ating mga kalapit na bansa.

Umaasa kami na ang pagsasabatas ng panukalang ito magbibigay-daan sa ating bansa na makahabol at makahikayat ng mas maraming Pilipino na mamuhunan sa ating mga capital market,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi niya na ang Key Indicator Database ng Asian Development Bank noong 2023, na nagpapakita na ang halaga ng stock market ng bansa kung ikukumpara sa laki ng ekonomiya nasa 54.1%, mas mababa kaysa sa average na 78.3% sa iba pang ekonomiya sa Southeast Asia.

Isa sa mga sanhi nito ang pagpapataw ng stock transaction tax (STT) na 0.6% sa halaga ng transaksyon na pinakamataas sa rehiyon.

Ang ibang bansa sa Southeast Asia tulad ng Malaysia, Singapore, Thailand, Myanmar at Cambodia, hindi nagpapataw ng anumang STT habang ang Indonesia at Vietnam nagpapataw lamang ng STT na 0.1%, sabi ng senador.

Sinabi rin niya na ang Philippine Stock Exchange nagsagawa ng pagtataya na ang iminungkahing pagbawas sa STT sa 0.1% hahantong sa isang ‘aggregate value of stocks’ na ikinalakal sa P4.9 trilyon noong 2029 na magiging 3.79 beses na mas malaki kaysa sa halaga ng mga stock na ikinalakal noong 2023.

Sinabi ni Gatchalian na isa pang kadahilanan sa friction cost ang pagpataw ng documentary stamp taxes (DST), na sa ilalim ng naturang panukala mababawasan mula 1% hanggang 0.75% ng par value ng shares of stocks.

“Ang mga gastos sa friction na ito nagiging hadlang sa mga Pilipino na makisali sa ating mga merkado dahil sa mahal ang pamumuhunan,” sabi niya.