OVP

Opisyal na malapit kay VP Sara may alam pano ginastos P500M confi fund

22 Views

ANG mga malalapit na opisyal ni Vice President Sara Duterte ang nakakaalam kung papaano ginastos ang P500 milyong confidential fund ng Office of the Vice President noong 2022 at 2023.

Sa ikalimang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ngayong Lunes, tinanong ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ang mga dumalong opisyal ng OVP na may kaugnayan sa liquidation at pangangasiwa ng P500 milyong confidential fund na inilabas ng tig-P125 milyon kada quarter mula sa last quarter ng 2022 hanggang sa ikatlong quarter ng 2023.

Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng naturang pondo kasama ang P125 milyon na ginastos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Batay sa mga sagot ng mga resource person, sinabi ni Suarez na lumalabas na ang finance officer, budget officials, o chief accountant ng OVP ay walang direktang kinalaman sa paggastos ng confidential fund.

Ayon kina Administrative and Financial Services Director Rosalynne Sanchez, Chief Accountant Julieta Villadelrey, at Budget Division Chief Administrative Officer Kelvin Gerome Teñido wala silang personal knowledge kung papaano ginamit ang confidential fund.

“So the finance officer, the accountant, and the budget planning team—none of you have personal knowledge or involvement with these confidential funds, correct?” tanong ni Suarez.

Kinumpirma ni Sanchez na bukod kay Duterte ang direktang may kinalaman sa pangangasiwa sa naturang pondo ay sina Gina Acosta, ang pecial Disbursement Officer (SDO) ng OVP at si Atty. Zuleika Lopez, ang Chief of Staff ng OVP.

“When it comes to the confidential fund, your honor, it should be the special disbursing officer,” sabi ni Sanchez.

Sinabi ni Sanchez na si Acosta ay nagre-report kay Lopez na siya namang nagrereport kay Duterte.

“So in the end, only the SDO, the chief of staff, and the vice president herself have any knowledge or oversight of these funds, correct?” tanong ni Suarez.

“That is correct, Your Honor,” sagot ni Sanchez.

Sina Acota at Lopez ay galing sa Davao City government bago kinuha ni Duterte sa OVP.

Kinukuwestyon ng mga kongresista kung papaano ginastos ang confidential fund sa ilalim ng tanggapan ni Duterte na kinuwesyon din ng Commission on Audit.

Bukod sa confidential fund ng OVP, iniimbestigahan din ang P112.5 milyong confidential fund ng Department of Education (DepEd) na ginastos noong pinamumunuan pa ito ni Duterte.

Sinabi ni dating DepEd Undersecretary, Chief of Staff, at Spokesperson Michael Poa na ang may direktang may kontrol ng confidential funds ay si Duterte at ang special disbursing officer na si Edward Fajarda.

“It would probably be the Secretary or the ones responsible for the confidential funds,” sagot ni Poa ng tanungin kung sino ang may kontrol ng confidential fund ng DepEd.

“The Secretary and the SDO are the only ones that are privy,” dagdag pa nito.

Matapos ito, sinabi ni Poa na hindi na siya konektado sa OVP.