Edd Reyes

Maraming kaso ng holdap malulutas kung may reklamo

Edd Reyes Nov 13, 2024
18 Views

SA tuwing may mabibiktima ng panghoholdap, pagnanakaw, at iba pang uri ng petty crimes, laging pulis ang sinisisi gayung kung tutuusin, may responsibilidad din ang mga biktima para makagawa ng aksiyon ang kapulisan.

Kadalasan kasi, hindi na naghahain ng reklamo ang mga nabibiktima dahil ayaw mag-aksaya ng konting panahon sa pagbibigay ng detalye sa nangyaring insidente para makagawa ng aksiyon ang pulisya.

Yung iba naman, maghahain nga ng reklamo pero kapag nadakip na ang holdaper at naibalik sa kanila ang nakulimbat, hindi na itinutuloy ang paghahain ng kaso kaya ang resulta,napapalaya ang holdaper para muling maghanap ng mabibiktima.

Gaya na lang nitong talamak umanong holdapang nangyayari sa mga pasahero ng UV Express na pumipick-up ng kanilang pasahero sa PITX at Ayala Mall sa Macapagal Blvd. sa Paranaque City pero hindi naire-report sa pulisya dahil ayaw magreklamo ng mga biktima.

Nito lang kasing mga nakaraang linggo, may nabiktima na namang dalawang pasahero ng UV Express na sumakay sa PITX patungong Las Pinas City pero pagdating sa C5 Extension, nagdeklara ng holdap ang driver at natangay ang pera at personal na gamit ng mga biktima.

Ang kaso, sa halip na maghain ng reklamo sa pulisya, idinaan sa social media ang himutok para tawagan ng pansin ang kapulisan. Eh paano mahuhuli ang holdaper kung ayaw makipag-ugnayan ng mga biktima?

Kung tutuusin, marami naman talagang nalutas na kaso ng panghoholdap ang kapulisan kung magrereklamo lang ang mga biktima. Nakabuo nga ng rogue’s gallery ang kapulisan dahil sa dami ng kanilang naarestong pusakal na kriminal.

Sana, huwag lang ngakngak ng ngakngak, makibahagi rin sa paglutas ng krimen dahil malay ninyo, baka dahil sa hindi ninyo pakikipagtulungan, magulang, anak, apo, o iba pang mahal ninyo sa buhay ang mabiktima ng mga una ng nangholdap sa inyo.

Paninira ng mga pulitiko sa kalaban, hindi na kinakagat ng publiko

MUKHANG hindi na talaga kinakagat ng publiko ang estilo ng ilang mga pulitiko na siraan ang kanilang mga kalaban, totoo man o gawa-gawa lang, ang paratang.

Ang talagang tinitingnan kasi ngayon ng mga tao ay kung ano ang nagawa at ano pa ang gagawin ng isang kandidato sakali’t maluklok sa puwesto, sa halip na banatan ng husto at siraan ang kanilang mahigpit na katunggali.

May ilang mga pulitiko pa nga na gumagamit ng kanilang “attack dog” para siraan ang kanilang kalaban nang sa gayon ay hind sa kanilang bibig magmumula ang paninira dahil alam nilang makaka-apekto ito sa kanilang kandidatura.

May mga pulitiko kasi na para lang si Fernando Poe, Jr. ang dating na nagpapabugbog muna sa kalaban pero sa huli ay siya pa rin ang namamayagpag sa survey dahil nakukuha pa niyang lalu ang simpatiya ng tao bunga ng inabot na matinding bugbog mula sa kalaban.

Kung sabagay, may mga pulitiko naman talaga na bumababa ang kumpiyansa sa sarili, lalu’t nakikita nila ang lakas ng suportang inaani ng katunggali kaya kailangan nila ng tulong ng mga kakampi para ilugmok sa pusali ang kalaban.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].