Calendar
Keinyan na nahatulan sa US dahil sa terorismo ikinatuwa ng BI
IKINATUWA ng Bureau of Immigration (BI) ang naging hatol sa Kenyan national na si Cholo Abdi Abdullah sa New York sa kasong terorismo.
Si Abdullah, na sinasabing operatiba ng grupong teroristang al-Shabaab, ay na-deport mula sa Pilipinas noong 2020 matapos ang kanyang pagkakaaresto ng mga opisyal ng Intelligence Group ng BI at Anti-Terrorist Group.
Naaresto si Abdullah ng BI noong Hulyo 2020 sa pamamagitan ng isang mission order matapos mapag-alamang lumalabag siya sa mga batas sa imigrasyon.
Siya ay ikinulong din ng Philippine National Police (PNP) dahil sa paglabag sa mga batas ukol sa armas at pampasabog, at kalaunan ay natukoy bilang isang indibidwal na may mataas na panganib dahil sa kanyang koneksyon sa isang grupong terorista.
Natukoy ng BI na siya ay isang undesirable alien at agad na pinroseso ang kanyang deportasyon.
Ayon sa mga awtoridad ng U.S., si Abdullah ay nagsanay sa Somalia bago lumipat sa Pilipinas, kung saan siya ay nag-enroll sa isang paaralan sa pagpapalipad noong 2018.
Ipinakita sa mga ulat na siya ay naghahanda para gumawa ng isang pag-atake katulad ng 9/11 sa U.S.
Ang aksyon ng BI sa pag-aresto at pag-deport kay Abdullah ay nagresulta sa pagpigil sa kanyang plano.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang papel ng Bureau sa pagkakahuli at deportasyon ni Abdullah.
“This conviction shows the importance of our work in keeping high-risk individuals out of the country, as well as dismantling terrorist operations. Our commitment to national and global security is unwavering,” pahayag ni Viado.
Ayon kay Viado, patuloy na nakikipag-ugnayan ang BI sa National Intelligence Coordinating Agency pati na rin sa mga lokal at internasyonal na ahensya ng pagpapatupad ng batas para makakuha ng impormasyon sa iba pang aktibidad na may kaugnayan sa terorismo.