tennis

Table tennis, iba pang sports sa mga barangay isinusulong

282 Views

PANIGURADONG lalakas ang iba’t ibang sports sa buong bansa at makakahanap ng susunod na Pinoy world champion, kung magkakaroon ng mga kagamitang pampalakasan tulad na lang ng table tennis sa bawat barangay, bukod pa sa mga basketball court.

Ito ang isusulong nina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at kanyang running mate na si vice presidential candidate Vicente ‘Tito’ Sotto kung silang dalawa ang susunod na mamamahala sa ehekutibong sangay ng gobyerno.

Ibinahagi ito ng tambalang Lacson-Sotto sa panayam sa kanila ng DYRD radio sa Bohol nitong Miyerkules Abril 6. Ayon sa dalawang batikang lingkod-bayan, hindi lamang dapat basketball ang pinalalakas ng pamahalaan dahil marami pang sports na pwedeng ipakilala sa mga Pilipino na siguradong swak sa ating kakayahan.

Sa nasabing panayam, inilahad ni Sotto na dating national player sa bowling na malaki ang potensyal ng mga Pilipino upang maging world champion sa bowling man o bilyar, tulad sa mga nakalipas na dekada.

Gayunman, batid niya na malaki ang gagastusin sa bowling kaya naman iminungkahi nila ang table tennis o ping pong. Ayon kay Lacson, sa sports na ito ay hindi na kailangan ng malaking espasyo at mas madaling ilagay sa higit 40,000 barangay sa buong bansa.

“Kung lahat ng barangay sa Pilipinas… lagyan mo lahat ng ping pong table tig-dala-dalawa. Sigurado may lalabas na magaling diyan. E 110 million Filipinos tayo lahat, hindi pwedeng walang lalabas na world champion diyan sa table tennis. Ang mura ng table tennis. Nagtitiyaga tayo sa basketball e 5’4 tayo o 5’2, ‘di ba?” sabi ni Sotto.

Obserbasyon pa ng Senate President, naging maganda ang standing ng Pilipinas sa larangan ng bilyar dahil kalat ito sa bawat barangay.

“Bakit ba tayo number one sa billiards sa buong mundo? Ang sagot na hindi masagot sa akin ng PSC (Philippine Sports Commission) noon, ako rin nagbigay ng sagot… Alam niyo kung bakit? Lahat ng kanto sa Pilipinas kasi may bilyaran, ‘di ba?” aniya.

Inalala rin ni Sotto sa nasabing panayam ang naging partner niya sa bowling na si Liloy Fabiosa na mula rin sa Bohol. “Magaling din na bowler siya, kasama -namin siya sa national team sa Saudi Arabia–Jeddah. I was the first Filipino to roll a perfect game in an international competition. My bowling partner during that stint was Liloy Fabiosa from Bohol,” sabi ni Sotto.