Germino Timbog ang pitong diumano’y drug pushers sa buy-bust sa San Leonardo, Nueva Ecija noong Martes. Nasa larawan ang nakumpiskang droga at baril mula sa mga suspek.

7 tiklo sa pag-iingat ng P182,000 shabu sa NE

Steve A. Gosuico Nov 14, 2024
55 Views

SAN LEONARDO, Nueva Ecija–Tiklo sa mga pulis-Nueva Ecija ang pitong pinaghihinalaang tulak ng droga sa pag-iingat ng P182,036 na halaga ng shabu at dalawang hindi lisensyadong baril noong Martes.

Nasakote ang pitong suspek ng mga tauhan ni Major Domingo Resma Jr. matapos ang buy-bust sa Brgy. Rizal dakong alas-5:00 ng hapon.

Kinilala ang tatlo sa mga natiklo na sina alyas Marvin, 50; alyas Rodert, 49; at alyas Jops, 29, na natimbog matapos magbenta ng P1,000 halaga ng shabu sa isang nagpanggap na poseur-buyer.

Nakilala ang apat pang suspek na sina alyas Bonio, 40; alyas Lester, 43; alyas Andes, 45; at alyas Gio, 42.

Nahulihan sila na may bitbit na shabu at dalawang kalibre 22 na hindi lisensyadong baril.

Nakumpiska mula sa pitong suspek ang 13 sachet na may lamang shabu na may timbang na 26.77 gramo at nagkakahalaga ng P182,036.

Ang mga arestadong suspek at mga ebidensiyang nasamsam dinala sa istasyon ng pulis.

Kasakuhan ang pito ng paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).