Calendar
MMDA handa na sa ayuda kung si ‘Pepito’ tumama sa NCR
HANDA na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pagtulong sa mga residente sakaling mahagip ng bagyong Pepito ang National Capital Region (NCR)
Ayon kay Atty. Crisanto Saruca, hepe ng MMDA Public Safety Division, kumpleto na ang mga gamit at tauhan ng MMDA sa pagdating ng bagong bagyo.
“Sa ngayon po puspusan na rin ang paghahanda ng lahat ng mga local disaster risk reduction and management officers at response teams sa MMDA para sa pagpasok ng bagyong Pepito sa Linggo,” pahayag ni Saruca.
Maging ang mga lokal na pamahalaan sa buong Metro Manila inalerto na rin ng MMDA para maghanda sakaling maapektuhan ng paparating na bagyo.
Pinakiusapan din ng ahensiya ang mga alkalde ng lahat ng lungsod at isang munisipalidad sa Metro Manila na habang may panahon pa linisin na ang mga drainage, kanal, at iba pang daluyan ng tubig.
Tiniyak din ng MMDA na gumagana ang lahat ng mga pumping stations sa Metro Manila na makakatulong sa mabilis na paghupa ng baha sakaling bumuhos ang malakas na ulan.