EJK File photo ng isa sa mga umano’y biktima ng “Tokhang” o war on drugs ng nakaraang administrasyon. File photo ni JON-JON C. REYES

Mga kasong isinampa laban sa mga pulis na nagpatupad ng Duterte drug war pinasisilip sa Kamara

14 Views

IPINASISILIP ng isang lider ng Kamara de Representantes ang mga kasong kriminal at administratibo na isinampa laban sa mga pulis sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Interesado si Sta. Rosa City, Laguna Rep. Dan Fernandez, co-chairman ng quad committee ng Kamara, na malaman kung ano ang sinapit ng mga pulis, lalo na ang mga mabababa ang ranggo na sumunod lamang sa utos, subalit sa huli ay sila pa ang nakasuhan.

Iginiit ni Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety, ang kahalagahan na masuri ang mga pangyayari kaya itinulak nito ang motu proprio investigation.

“I mean iyong mga kapulisan under my committee, actually tinitingnan ko po na bigyan ng isang motu proprio investigation on this matter, kasi nga ang policy po ng former government ay iyon po talagang negation, neutralization,” sabi nito.

Sa nakaraang pagdinig ng quad comm, sinabi ni Duterte na hindi nito alam na mayroong mga pulis na nakasuhan at ang ilan ay nasibak na sa puwesto, dahil sa pagsunod sa mga utos kaugnay ng war on drugs campaign.

Ayon sa mambabatas, mayroong mga pulis na hindi alam na iligal ang mga utos sa kanila kaya nila ito sinunod.

“Sabi nga ni Chief PNP maraming mga pulis ang mga na-dismiss, 195 ‘yung mga na-dismiss tapos 398 facing dismissal,” sabi ni Fernandez na ang pinatutungkulan ay ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil.

“So papaano ‘yung pamilya nila? Nawalan sila ng jobs, nawala ‘yung kanilang life, ‘yung kanilang dignity as well in following those orders,” sabi ni Fernandez.

Iginiit naman ng solon ang pangangailangan na malaman ng mga puls ang mga legal at hindi legal na utos sa kanila.

“Kailangan siguro po natin ma-distinguish iyong isang lawful order and unlawful acts na ginawa ng mga pulis,” saad pa ni Fernandez. “Mga lower ranks sila eh. Hindi nila alam na ‘yung ginawa nila is unlawful.”

Ipinaalala rin ni Fernandez ang sinabi ni Duterte na sagot niya ang mga pulis sa gagawin ng mga ito.

“Di ba may pronouncement ang presidente na, me alone will be responsible for the effects of the war on drugs, now na nangyari sa kanila ‘to, so sino ang tutulong sa kanila?” tanong ng kongresista.

Sinabi ni Fernandez na mahalagang malaman ang tunay na intensyon sa mga aksyong ginawa ng mga pulis sa pagganap ng kanilang tungkulin at pagsunod sa batas.

Suportado naman ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang pahayag ni Fernandez at sinabi na maraming pulis ang mayroong problemang pinansyal dahil sa gastos sa kaso.

“Base po sa datos na binigay ni Chief PNP Marbil ay marami pong miyembro ng PNP ay nahaharap sa mga kasong administratibo at kasong kriminal and nangangailangan po sila ng abogado,” sabi ni Barbers.

Mayroon pa umanong mga pulis na nangungutang upang mabayaran ang mga legal fees.

“In fact, ‘yung iba ay napipilitan pong mangutang sa AFPSLAI ba iyon or ‘yung PSSLAI para lang makapagbayad ng abogado,” sabi pa nito.

Ayon kay Barbers, mayroong mga pulis na ang pakiramdam nila ay naloko o pinagtaksilan dahil sila ay pinabayaan, matapos na sumunod lamang sa utos sa kanila.

“Isa lang ho ang kanilang sinasabi na nasaan daw iyong pangako sa kanila na tutulungan sila sa mga kaso,” dagdag pa ni Barbers.

Sinabi naman ni Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante, ang layunin ng imbestigasyon ay matulungan ang mga pulis at hindi habulin ang mga ito sa kanilang maling aksyon.

“Sa Quad Comm naman ay hindi upang parusahan natin ang kapulisan kundi para tulungan din natin,” sabi ni Abante.

Mayroon din umanong mga pulis na nagsabi na handa silang magsabi ng totoo.

“Pinagusapan na namin ito e, that we are there to help,” dagdag pa nito.

Iminungkahi rin ni Abante kung maaaring ipasok sa witness protection program ng Department of Justice (DOJ) ang mga pulis na tetestigo.

“We’re there to ask the DOJ to perhaps provide the witness protection on them,” saad pa ni Abante. “The present craft of the Philippine National Police leadership would provide protection for policemen who are honest enough to tell the truth.”

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Zambales Rep. Jay Khonghun sa sinapit ng mga pulis na sumunod lamang sa utos, pero sa huli sila ang nakasuhan at nagdusa.

“Again, these cases stemming up from their obedience sa presidential directive dati ni Presidente Digong,” sabi ni Khonghun.

“So nakakalungkot lang na napabayaan ‘yung mga police,” saad pa nito.

Sinabi ni Khonghun na naniniwala ang mga pulis na tama ang kanilang ginagawa nang sumunod sa utos ng nakatataas sa kanila.

“Siyempre they are, akala nila na they are following direct orders coming from the former president. So sa ngayon, napabayaan sila. So nakakalungkot lang dahil ‘yung sinasabi ni former president is all rhetoric,” wika pa nito.

Inulit naman ni Fernandez ang naging epekto ng pagsunod sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

“Meron tayong, sinulat ko po ‘yung mga police na 1,286 ‘yung cops na they either died or wounded, 1,286,” sabi nito.

Dagdag pa niya na “214 po ‘yung may mga kinakaharap na administrative and criminal cases.”

Sinabi rin ni Fernandez na mayroong 195 na pulis ang nasibak sa puwesto at 398 naman ang nahaharap sa pagkasibak.

Hinimok ni Fernandez ang mga pulis na nagpatupad ng war on drugs na humarap sa Kamara at ihayag ang kanilang karanasan.

“So well, nananawagan din po kami sa inyo kasi nga kayo biktima rin kayo rito ng war on drugs,” sabi pa ng solon.

“So if ever that you wanted to avail para madinig po namin kayo, so iniimbitahan din po namin kayo na makipagugnayan po kayo sa Quad Comm,” pahayag ng mambabatas.