Dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV Dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV

Trillanes isang tunay na ‘fiscalizer;’ hindi ‘attack dog’ ng Malacañang — solon

14 Views

PUMALAG ang isang lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes sa pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “attack dog” ng Malacañang si dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V, si Trillanes ay isang tunay na “fiscalizer.”

Ayon kay Ortega, mula pa noong 2016 ay mayroon ng tensyon sa pagitan ni Duterte at Trillanes kaya hindi na umano nakakapagtaka ang bintang ng dating pangulo.

“Actually… first time ko ma-meet si former Senator Trillanes noong hearing po sa Quad Comm and consistent naman po yata ang reputation niya na he has been a fiscalizer ever since,” ani Ortega.

Sabi pa niya, kilala na si Trillanes na kritikal sa mga opisyal ng gobyerno, kahit noong ito ay senador pa.

Pinabulaanan din ni Ortega na pakawala ng Malacañang si Trillanes, patunay aniya rito ang mga independent na imbestigasyong ikinasa niya noong senador pa.

“But I doubt if he’s an attack dog or… an attack dog of Malacañang. Nakita ko nga rin po iyong interview with our Executive Secretary parang di na lang po niya pinatulan,” saad ni Ortega.

Tinukoy din ng kongresista mula sa La Union na matagal ng may alitan sina Duterte at Trillanes.

“Alam naman natin na ika nga may rivalry sila ng dating Pangulo. So siguro ito part ano ito, anong part na ba ito? Part three na siguro noong rivalry nila,” aniya.

Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales, isa ring lider ng Young Guns, na pinasinungalingan mismo ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang alegasyon ni Duterte.

“Nagbigay na po ng statement ang ating Executive Secretary at sinabi nga po niya na ito ay isang kahibangan, iyong kanyang statement na ‘yun,” ani Khonghun.

“Alam naman natin ‘yung issue ni former Sen. Trillanes since 2016 pa, bago pa naging president si former President Duterte sinasabi na ni Sen. Trillanes,” saad pa niya.

“I think valid lang na kailangan din niyang sagutin ‘yung mga issue sa kanya lalong-lalo na ‘yung mga pinaparatang, sinasabi ni Sen. Trillanes sa kanya,” aniya.

Pagdating naman sa posibilidad ng paghahain ng kaso laban kay Duterte dahil sa ipinatupad nitong giyera kontra iligal na droga kung saan libo-libo ang nasawi, sinabi ni Khonghun na maaaring maghain ng kaso ang Department of Justice (DOJ) batay sa mga ebidensyang nakalap ng quad committee.

“Meron po tayong tamang departamento na nakakaalam at haharap patungkol sa responsibilidad ng dating pangulo. Nandiyan po ang ating DOJ at sinabi na nga po nila Sec. [Crispin] Remulla na tinitingnan nila kung ano ‘yung mga kaso na pwedeng kaharapin ng ating dating pangulo,” ani Khonghun.

Mahalaga aniya na maging patas ang DOJ sa pagtalakay sa naturang usapin lalo na ang mga binitiwang pahayag ni Duterte ukol sa ipinatupad na madugong laban kontra iligal na droga, na siyang sinisiyasat din ngayon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa mga paglabag sa crimes against humanity.

Mahalaga naman ani Ortega na ipagpatuloy ang pagdinig para masuri ang mga posibleng legal na hakbang.

“Hindi pa naman po tapos ‘yung mga hearings, so talagang kailangan po nating puliduhin. Alam naman po natin hindi naman, we’re taking steps, pero we have to understand that all of this is in aid of legislation,” sabi niya.

Sabi ni Khonghun na ang pinakahuling pagdinig ng komite ay nagbigay daan para maisiwalat sa publiko ang mga isyu tungkol kay Duterte kasama na ang posibleng katiwalian.

“At least nabigyan ng pagkakataon ‘yung mga nagrereklamo, ‘yung may mga issue sa kanya, na harapin ang dating pangulo ng diretso,” aniya.

Importante na hayagan itong mapagusapan upang mabigyang linaw ang mga kontrobersiya na kinahaharap ng dating pangulo.

Sinagot din ng mga mambabatas ang pahayag ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, na sinabing maaari pang muling tumakbo sa pagkapangulo si Duterte sa 2028 dahil wala naman aniyang nakasaad sa 1987 Constitution na nagbabawal sa isang dating pangulo na tumakbo para sa isang nonconsecutive term.

“Si presidente po ang tatakbo ulit, si ex-President Duterte? Good luck po,” reaksiyon ni Ortega sa pahayag ni Alvarez.

“God bless,” ang maikling tugon naman ni Khonghun.