Revilla

Revilla may 2 parangal sa kontribusyon sa larangan ng serbisyo publiko

Edd Reyes Nov 19, 2024
13 Views

TUMANGGAP ng magkasunod na parangal kamakailan mula sa Asia’s Pinnacle Awards 2024 at sa Gawad Pilipino Awards si Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. dahil sa pambihira niyang kontribusyon sa larangan ng serbisyo publiko.

Kinilala bilang “Asia’s Distinguished Leader in Public Service” ng Asia’s Pinnacle Awards 2024 at “Gawad Pilipino Lingkod Bayan Award” ng Gawad Pilipino Award si Sen. Revilla na isang patunay sa kanyang walang sawang paglilingkod sa mga Filipino, pati na sa kanyang makabuluhang ambag sa pamamahala at paglikha ng batas.

Ang Asia’s Pinnacle Awards ay isang nangungunang kinatawan na nagbibigay-pugay sa kahusayan sa iba’t ibang larangan, kabilang ang pampublikong serbisyo, negosyo, at industriya ng aliwan.

Namukod-tangi si Revilla sa mga nominado dahil sa kanyang makabagong pamumuno, malikhaing paggawa ng polisiya, at matatag na pagkalinga sa kapakanan ng kanyang mga nasasakupan.

Kabilang din siya sa Top 10 Outstanding Senators ng Gawad Pilipino Awards na isang parangal na tumutukoy sa kanyang mga nagawa bilang isang mambabatas.

Si Revilla ang pangunahing may-akda ng mga batas tulad ng “Kabalikat sa Pagtuturo (KaP) Act” (RA 11997), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examination Act” (RA 12006), Pagpapalawak ng Saklaw ng Centenarians Act (RA 11982), at “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).

Ipinahayag din ni Revilla ang kanyang pasasalamat sa mga nagbibigay-parangal at sa sambayanang Pilipino na patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa kanya upang ipagpatuloy ang kanyang paglilingkod sa bayan.