Tulfo

Tulfo, Villa nagtalo sa diskusyong tungkol sa DENR

12 Views

Nagkaroon ng mainit na diskusyon sina Senador Raffy Tulfo at Cynthia Villar ukol sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa ginanap na deliberasyon ng Senado para sa badyet noong madaling araw ng Martes, Nobyembre 19 kung saan ay nauwi ito sa hamunan ng pagsasa ilalim sa lie detector o polygraph test.

Pinuna ni Tulfo ang isang circular ng DENR na nag-e-exempt sa ilang impormasyon tungkol sa pagmimina, partikular sa mga aplikasyon para sa Environmental Compliance Certificate (ECC), mula sa saklaw ng Freedom of Information (FOI) order.

Sinabi niya na ang exemption na ito ay nagiging hadlang para sa publiko na makakuha ng mahahalagang detalye tulad ng uri at grado ng mga mineral na minimina. Dagdag pa niya, ilang non-government organizations ang tinanggihan sa kanilang hiling na makuha ang impormasyon.

Ipinaliwanag ni Villar, na sponsor ng badyet ng DENR, na ang exemption na ito ay naaayon sa Data Privacy Act dahil ang impormasyon ay naglalaman ng trade secrets ng mga mining companies. Aniya, bagamat hindi agad naipapaabot ang mga datos, nagiging accessible naman ito sa mga pampublikong pagdinig.

Subalit, iginiit ni Tulfo na may karapatan ang publiko na malaman ang impormasyon tungkol sa mga likas-yaman ng estado na ginagamit o pinakikinabangan ng mga pribadong entity.

Sa sesyon, ipinakita ni Tulfo ang isang larawan kung saan makikitang kasama ni DENR Secretary Maria Yulo-Loyzaga ang mga quarry operator na sina Angeli Lee at Estelle Maria Rebancos. Si Lee ay may-ari ng Quarry Rock Inc. at Rapid City Corp., habang si Rebancos naman ay konektado sa Montalban Aggregates Producers Association. Noong 2023, kinansela ng DENR ang mga permit ng Quarry Rock Inc. at Rapid City Corp.

Ang larawan, na kuha noong Oktubre 2023 sa paglulunsad ng Transform initiative sa Rizal, ay nagdulot ng tanong mula kay Tulfo kung bakit mas inuna ang mga quarry operator kaysa sa mga kinatawan mula sa Masungi Georeserve o mga katutubo. Pinuna rin niya ang interes ng Rapid City Corp. at Quarry Rock Inc. na mag-operate malapit sa Masungi Georeserve, isang protektadong lugar.

Sinisikap ng DENR na ipawalang-bisa ang kanilang 2017 kasunduan sa Masungi, na diumano’y lumabag sa mga tuntunin ng kasunduan dahil sa pagpapatakbo ng isang resort. Paliwanag ni Villar, ang mga quarry operator ay inimbitahan ng lokal na gobernador at wala nang kontrol dito ang DENR. Dagdag pa niya, hindi maiiwasan sa mga politiko na makipagkuhaan ng larawan sa mga bisita sa ganitong mga okasyon. Iginiit naman ng DENR na inimbitahan din ang mga kinatawan ng Masungi.

Galit na ipinahayag ni Tulfo ang kanyang pagkadismaya sa mga paliwanag at hinamon si Villar at ang mga opisyal ng DENR na sumailalim sa isang polygraph test. “Kung gusto niyo magpa-lie detector test, polygraph test para magkaalaman sino ang sinungaling,” aniya.