Sara Vice President Sara Duterte

Inner circle ni VP Sara lang makakapagbigay-linaw sa confi funds

13 Views

NANINIWALA ang chairperson ng House Blue Ribbon Committee na ang inner circle ni Vice President Sara Duterte ang makapagbibigay-linaw sa kinukuwestyong paggastos ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd)

Pero muling hindi dumalo sa pagdinig nitong Miyerkules ang naturang mga opisyal na itinuturong may kinalaman sa pamamahala ng pondo.

“Today, we continue our pursuit of the truth and our attempts to make sense of the way which hundreds of millions of public funds were used,” sabi ni Manila Rep. Joel Chua, chairperson ng House committee on good government and public accountability, sa kanyang opening statement.

Paliwanag ni Chua, bagama’t may ilang matataas na opisyal ng OVP ang dumalo sa imbestigasyon sa bisa ng subpoena, limitado naman ang kanilang nalalaman tungkol sa confidential fund.

“At this point, magbibigay lamang ako ng isang obserbasyon muna – tila ang mga napadalang representatives ng OVP ay onti lamang ang nalalaman tungkol sa confidential funds. Kung ito ba ay dahil sa kanilang status bilang career officials at hindi mga nasa ‘inner circle’ ng Bise Presidente, hindi pa natin alam,” pahayag pa ni Chua.

Punto pa ng mambabatas, dalawang indibidwal lamang ang may direktang responsibilidad sa pangangasiwa ng confidential funds ng OVP: si VP Sara Duterte bilang pinuno ng tanggapan at si Gina F. Acosta, ang special disbursing officer (SDO).

Gayundin aniya sa DepEd, na dating pinangangsiwaan ni Duterte at si Edward D. Fajarda bilang SDO.

Si VP Duterte at Fajarda ay kapwa hindi sumipot sa pagdinig sa kabila ng paulit-ulit na paanyaya ng komite.

Binanggit ni Chua ang mga nakaaalarmang impormasyon mula sa mga naunang pagdinig, kabilang ang alegasyon na ang confidential funds ay ginamit bilang pandagdag sa mga regular na programa.

“Nagmukhang ang confidential funds ay ginagamit upang mag-augment ng pondo ng regular na programa ng OVP at hindi ginagamit sa hiwalay na programang may kinalaman talaga sa confidential expenses o surveillance activities to support the mandate or operations of the agency,” saad nito.

Natuklasan ng komite na ang mga gastusin ng OVP ay tumaas ng higit sa 400 porsiyento, karamihan dahil sa mga operasyon ng mga satellite office.

“Ang mga satellite offices ng OVP ay kumokonsumo sa higit kalahati ng pondo ng OVP,” pahayag pa ni Chua.

Idinagdag niya na ang mga opisyal na namamahala sa mga satellite office ay hindi dumadalo sa mga pagdinig upang magbigay-linaw tungkol sa kanilang mga gastusin.

Tinukoy din ni Chua ang mga discrepancy sa paggamit ng confidential funds kahit na may mga umiiral na panuntunan sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01.

“Isa sa mga resource person natin ang nagpahayag na ang confidential activities katulad ng surveillance activities in relation to confidential funds ay ginagamit in relation to the mandate of the agency – which mandate pertains to the general operations of the agency,” paliwanag nito.

Binigyang-diin ni Chua ang tungkulin ng komite na pangalagaan ang pondo ng bayan at ang kahalagahan ng mga legislative reforms.

“Ito marahil ang dapat gawan ng batas – bumalangkas ng panukalang magbibigay direksyon sa mga ahensiya sa paggamit ng confidential funds at anong aktibidad ang confidential activities, at ang tamang pagsusuri nito ng ating mga ahensiya na may oversight,” saad pa nito.

Dismayado si Chua sa kawalang kooperasyon mula sa mga pangunahing opisyal, na aniya’y naging hadlang sa pag-usad ng mga pagdinig.

“Mas mabilis sanang masasagot ang katanungan at malulutas ang mga isyu ng ating pagdinig kung sa simula pa lamang ay nagpaabot na ng pakikipagtulungan sa pamamagitan ng pagdalo ang mga opisyales ng OVP,” ayon pa sa mambabatas.

Binanggit din ng pinuno ng komite ang mga kaduda-dudang acknowledgment receipt at mga hindi kapanipaniwalang mga indibidwal na pinanggamitan ng pondo.

“Ating naitala ang hindi kapani-paniwalang katauhang nakatanggap ng confidential fund na may ngalang Mary Grace Piattos,” diin pa ni Chua.