Sara

Hiling ni VP Sara na manatili sa Kamara binasura

17 Views

TUMANGGI si House Blue Ribbon Committee Chair Joel Chua sa hiling ni Vice President Sara Duterte na manatili sa House of Representatives detention facility kasama ang kanyang chief-of-staff na si Atty. Zuleika Lopez. Tinawag ito ni Chua na paglabag sa nakasanayang protocol.

Sa isang opisyal na liham, binasura ni Chua ang kahilingan ni Duterte matapos nitong magdesisyong mag-overnight sa pasilidad, kahit pa paulit-ulit na hinimok ng House Sergeant-At-Arms na huwag nang manatili roon.

Sa kanyang apela, sinabi ni Duterte na ginawa niya ito sa “humanitarian grounds” dahil sa kalagayan ni Lopez, kabilang ang chronic back problems, nausea, at takot nito para sa sariling kaligtasan.

“For humanitarian reasons, I request for consideration of her situation,” ani Duterte sa kanyang liham, idinagdag pa ang anim na dahilan para suportahan ang apela. Dagdag pa niya, “She has requested me to join her so she may have peace of mind and get adequate rest.”

Ngunit mariing tumanggi si Chua. Ayon sa kanya, ang mga patakaran ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) ay malinaw: ang detention facility ay eksklusibo para sa mga nakakulong.

“In as much as this humble representation would like to accommodate your request, we are constrained to abide by the guidelines of the Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA),” sagot ni Chua. Pinaliwanag niya na maaaring bisitahin ni Duterte si Lopez ngunit sa mga oras lamang na pinapayagan.

“However, you may visit her during the period allowable under the OSAA guidelines,” dagdag pa nito. “Please be guided accordingly.”

Sa kabila ng pagtanggi, nagpadala ng panibagong liham si Duterte, ipinaalam ang kanyang planong araw-araw na bumisita kay Lopez. “I would like to inform you in advance that I intend to visit Atty. Lopez daily, for the full period of her detention, within the bounds of the guidelines pertaining to persons under custody of the Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA),” ani Duterte.

Nag-ugat ang kontrobersya matapos magdesisyon si Duterte na mag-overnight sa detention facility kasunod ng pagkakakulong ni Lopez sa gitna ng mainit na pagdinig sa Kongreso.

Kinondena ito ng mga kritiko, tinawag itong pagsuway sa patakaran ng Mababang Kapulungan. Marami ang nagdududa sa motibo ng Bise Presidente, lalo’t wala umanong precedent para sa ganitong aksyon ng isang nakaupong pangalawang pangulo.

Sa tingin ng ilang tagamasid, tila hinahamon ni Duterte ang awtoridad ng Blue Ribbon Committee at ng enforcement ng mga batas nito. “Per the guidelines, the facility is for detainees, and the Committee has not ordered for your detention,” paalala ni Chua.

Dahil sa kilos ni Duterte, nabulabog ang atensyon ng publiko sa gitna ng mga usapin kaugnay ng paggastos ng kanyang tanggapan. Sinabi ng ilang kritiko na tila ginagamit niya ang kanyang posisyon para baluktutin ang proseso at magpakita ng impluwensya sa mga mambabatas.

Ang kanyang kontrobersyal na overnight stay ay inilarawan bilang isang “political spectacle” ng mga kritiko, na sinasabing isa lamang itong distraction sa mas malalaking isyu.

“Anong ginagawa ng isang Bise Presidente sa detention facility? Drama na ito!” ani ng isang source na malapit sa isyu. “May tamang oras at lugar para dito.”

Mensahe ni Chua, kailangang manaig ang respeto sa patakaran at institusyon.