Calendar
Pagbisita ni VP Sara sa COS lumampas sa oras, Kamara nagdeklara ng lockdown
MARIING kinondena ng liderato ng House of Representatives si Vice President Sara Duterte dahil sa paglabag nito sa mga patakaran sa gitna ng kontrobersyal niyang overnight stay sa House detention facility. Tinawag itong seryosong banta sa seguridad at insulto sa umiiral na regulasyon ng institusyon.
Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at Deputy Speaker David Suarez na labis silang nabahala sa naging aksyon ng Bise Presidente matapos nitong manatili sa nasabing pasilidad kahit lampas na sa itinakdang oras ng pagbisita.
“Binuksan namin ang pinto ng malasakit para sa kanya, binigyan siya ng espesyal na pahintulot na bisitahin si Atty. Zuleika Lopez… kahit lampas na sa regular na oras ng pagbisita,” ani ng pahayag.
Ngunit sa halip na sumunod, sinabi ng liderato na nagtungo si Duterte sa opisina ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte at nagkulong doon.
“Pero pagkatapos ng oras ng pagbisita na natapos ng 10:00 ng gabi, hindi siya umalis. Sa halip, nagtuloy siya sa opisina ng kanyang kapatid na si Rep. Paolo Duterte at nagkulong doon,” dagdag ng pahayag.
Sa kabila ng paulit-ulit na pakiusap ng Sergeant-at-Arms na umalis, binalewala umano ito ni Duterte, dahilan para magpatupad ng lockdown ang Mababang Kapulungan para protektahan ang seguridad ng kanilang mga tauhan at operasyon.
“Kahit ilang beses siyang pinakiusapan ng aming Sergeant-at-Arms na umalis, binalewala niya ito, dahilan para magpatupad kami ng lockdown para sa kaligtasan ng lahat at proteksyon ng institusyon,” ani pa nila.
Binibigyang-diin ng liderato na ang pagsunod sa patakaran ay mahalaga, anuman ang ranggo o posisyon ng sinuman.
“Gusto naming ipaalala sa lahat, lalo na sa mga opisyal ng gobyerno, na may mga patakaran at protokol kaming sinusunod sa Malaking Kapulungan para tiyakin ang seguridad at kaayusan. Hindi ito basta-basta nilalabag, kahit sino pa ang tao,” sabi nila.
Kinuwestyon din ng liderato kung paano mapagkakatiwalaan ang isang opisyal sa mas malalaking responsibilidad kung hindi nito kayang igalang ang simpleng patakaran.
“Kung walang respeto sa mga simpleng patakaran, paano tayo magtitiwala na kaya nilang igalang ang mas malalaking responsibilidad na iniatang ng taongbayan sa kanila?” dagdag ng pahayag.
Ang insidente ay umani ng matinding batikos mula sa publiko. Marami ang nagsabing ginamit ni Duterte ang kanyang posisyon para balewalain ang established protocols ng institusyon.
Pinunto rin ng mga kritiko na ang insidente ay nagpapakita ng maling halimbawa, binabalahura ang awtoridad ng House at nagpapadala ng mapanganib na mensahe tungkol sa paggamit ng kapangyarihan para sa pansariling interes.
“Ang Malaking Kapulungan ay para sa lahat ng Pilipino. Hindi ito lugar para abusuhin o gawing personal na espasyo, kahit pa sino ka,” giit ng liderato.
Upang maiwasan ang ganitong insidente sa hinaharap, nangako ang liderato ng House na palalakasin pa ang kanilang security protocols at titiyakin ang pantay-pantay na implementasyon nito, anuman ang ranggo ng sinuman.
“Sisiguraduhin namin na hindi na mauulit ang ganitong insidente. Palalakasin pa namin ang mga patakaran, titiyakin na pantay itong ipatutupad, at poprotektahan ang integridad ng aming institusyon,” pagtatapos ng pahayag.
Samantala, nananatili ang tanong ng marami tungkol sa judgment ni Duterte at respeto nito sa mga proseso ng lehislatura, lalo’t ang lockdown ay naging resulta ng kanyang “defiance.”
“Ang Malaking Kapulungan ay narito upang maglingkod nang tapat sa taumbayan. Sana, ganito rin ang gawin ng lahat ng opisyal ng gobyerno,” saad pa ng pahayag.