Martin2 BPSF SAMAR – Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Gov. Sharee Ann Tan, 1st District Rep. Stephen James Tan, 2nd District Rep. Reynolds Michael Tan at Calbayog City Mayor Raymund Uy, ay namahagi ng tulong mula sa mga government agencies sa pagbubukas ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. umaga ng Biyernes sa Athletic Field, Northwest Samar State University, Calbayog City, Samar. Naroon din ang 61 district at party-list miyembro ng Kamara de Representantes at iba pang opisyal ng gobyerno. Samar ang huling BPSF sa 2024 kung saan P700 milyong halaga ng serbisyo publiko at cash aid ang ibinigay sa 69,000 benepisyaryo. Kuha ni VER NOVENO

Speaker Romualdez: Malakas ang panawagan ng publiko para sa AKAP

18 Views
Martin3
ROMUALDEZ SA SIBOL – Si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, kasama sina Gov. Sharee Ann Tan, 1st District Rep. Stephen James Tan, 2nd District Rep. Reynolds Michael Tan at Calbayog City Mayor Raymund Uy, ay namahagi ng tulong mula sa Start-up, Investment, Business Opportunity and Livelihood (SIBOL) program para sa 3,000 benepisyaryo Biyernes ng umaga sa Socio-Cultural Center, North West Samar University, Calbayog City, Samar. Isang inisyatiba ni Speaker Romualdez, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development, sinusuportahan ng SIBOL ang mga start-up business at mga small, micro and medium enterprises.
Kuha ni VER NOVENO

PINAGTIBAY ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang malawakang suporta ng publiko para sa programang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara ang kahalagahan ng pagpapanatili ng naturang programa sa badyet para sa susunod na taon, dahil ito ay nagsisilbing lifeline para sa milyun-milyong Pilipino na nasa bingit ng kahirapan.

Sa isang ambush interview ng media noong nakaraang Huwebes sa Tabang Bikol–Tindog Oragon relief caravan at mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Albay, nanawagan si Speaker Romualdez sa mga senador na bumisita sa mga komunidad upang personal na masaksihan kung paano nakikinabang ang maraming pamilyang Pilipino sa mga programang pang-pinansyal tulad ng AKAP.

“Opo, nadidinig po natin ‘yong iba sa Senado, hindi yata nakaka-intindi kasi hindi yata sila bumababa masyado,” ang panawagan ni Speaker Romualdez sa mga Senador kaugnay sa panukalang alisin ang pondo sa AKAP.

“Kaya nandito kami, umiikot kami lahat sa mga probinsya, dito sa mga Bagong Pilipinas Serbisyo Fair. Higit dalawang dosenang probinsya ang naikutan namin, ngayon bumalik kami sa Bicol. Nakikita po natin ay ito po ang gusto ng mga kababayan po natin na programa, galing sa DSWD,” ayon pa sa lider ng Kamara na binubuo ng higit sa 300-kinatawan.

Una ng ipinahayag ni Speaker Romualdez ang mariing suporta ng Mababang Kapulungan upang mapanatili ang pondo ng AKAP sa badyet ng 2025. Iginiit niya ang kahalagahan ng programa sa mahigit 4 milyong “near poor” na Pilipino sa buong bansa.

Tiniyak ni Speaker Romualdez ang kanyang dedikasyon na ipagtanggol ang AKAP, na nagbibigay ng konkretong benepisyo sa mamamayan.

“Sasabihin ko na sa ating mga kaibigan natin sa Senado, umikot na lang muna kayo at tanungin niyo muna sa taumbayan kung ano’ng gusto nila. Sa nakikita ko po, sa lahat ng pinupuntahan natin, gustong-gusto at napakabuti nitong programang ito,” dagdag pa niya.

Ang AKAP ay nagbibigay ng one-time cash assistance na mula P3,000 hanggang P5,000 sa mga pamilyang ang kita ay mababa sa poverty threshold at hindi nakatatanggap ng anumang ayuda mula sa gobyerno.

Sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Romualdez, ang programa ay nakatulong na sa mahigit 4 milyong pamilyang Pilipino, gamit ang P20.7 bilyon mula sa kabuuang P26.7 bilyon na alokasyon nito hanggang sa kasalukuyan.

Kamakailan, sinabi ni Speaker Romualdez na ipaglalaban ng Kamara ang pagpapanatili ng AKAP sa iminungkahing pambansang badyet ng 2025 matapos itong tanggalin ng mga senador.

“This initiative has proven its value by providing immediate relief to struggling households, empowering them to weather economic challenges, and ensuring their resilience against inflation and other shocks,” saad pa ni Speaker Romualdez.

Ipinunto pa ng pinuno ng Kamara ang tagumpay ng programa sa mga rehiyon tulad ng Bicol, Central Luzon at Western Visayas, kung saan ang fund utilization rates ay lumampas na sa 70 porsiyento.

Sa National Capital Region pa lamang ay umaabot na sa mahigit 589,000 na pamilya ang nakinabang mula sa programa.

Patuloy namang panawagan ni Speaker Romualdez sa Senado na muling pag-isipan ang kanilang tindig laban sa AKAP, at sumuporta sa apela ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na ipaglaban na mapanatili ang programa.

“We stand with Secretary Gatchalian in urging our colleagues in the Senate to uphold the AKAP budget. This is about ensuring that no Filipino family falls back into poverty because of insufficient support,” ani Speaker Romualdez.

Binigyang-diin pa ni Speaker ang malawak na benepisyong pang-ekonomiya ng AKAP, na kinikilala ang papel nito sa pagpapalakas ng paggasta ng mga mamimili at pagsulong ng paglago ng ekonomiya.

“Programs like AKAP demonstrate what effective government intervention looks like. It stabilizes households, strengthens communities, and contributes to the country’s overall economic resilience,” paliwanag pa nito.