DMW1 Source: DMW FB page

Cacdac binisita pamilya Veloso, suporta ng gobyerno siniguro

15 Views

TINIYAK ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo J. Cacdac ang suporta ng gobyerno sa pamilya ni Mary Jane Veloso sa pagbisita sa mga ito sa Veloso, sa General Natividad, Nueva Ecija, nitong Biyernes.

Mainit na tinanggap nina Nanay Celia at Tatay Cesar Veloso si Cacdac at ang kanyang grupo na labis na pinasalamatan nang malaman ang magandang balita na malapit nang makauwi si Mary Jane.

Pinasalamatan ng pamilya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr para sa positibong pangyayaring ito at maging si Cacdac dahil sa personal na pagbisita upang tiyakin ang kapakanan ng pamilya ni Mary Jane at ang kinabukasan ng kanyang mga anak.

“We are here to provide all the welfare assistance that the government can offer to Mary Jane’s family,” saad ni Cacdac.

Sa kanyang pagbisita, nangako si Cacdac na magbibigay ng psychosocial counseling para sa panganay na anak ni Mary Jane na si Daniel, gayundin ng skills training sa pamamagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kasama ang mga allowance upang mas makapokus ito sa pag-aaral.

Nagbigay din ang DMW ng TESDA training vouchers para sa pamilya Veloso.

Bilang karagdagan, nagbigay ang DMW ng tulong pinansyal at grocery pack.

Binigyang-diin ni Cacdac na magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng DMW sa pamilya Veloso upang matiyak na makaka-avail sila ng mga programa ng gobyerno tulad ng tulong medikal at iba pang suporta na makapagpapabuti sa kanilang kapakanan at kinabukasan.

Kasama rin sa pagbisita si Dr. Emanuel San Juan, Municipal Administrator ng General Natividad, bilang kinatawan ni Mayor Anita Arocena.

Bukod sa suporta sa kapakanan ng pamilya, nakausap din ni Cacdac ang kapatid ni Mary Jane na kasalukuyang nagtatrabaho sa Riyadh.

Ibinahagi nito ang mga alalahanin sa kanyang employer at ang hangaring makauwi na sa Pilipinas.

Pinayuhan siya ni Cacdac na manatiling kalmado at hintayin ang pagbisita ng mga opisyal ng MWO na mag-aayos ng kanyang ligtas na repatriation.

“Hopefully, we can bring her home before Christmas,” sinabi ni Cacdac kay Nanay Celia at sa pamilya.

Nangako rin si Cacdac na ire-refer sa Department of Health (DOH) ang mga alalahaning medikal ng mga apo ni Mary Jane.

“This visit is a testament to our ongoing commitment to the welfare of our overseas workers and their families. We will not leave them behind, and we will continue to extend support to Nanay Celia and her family, especially in helping them secure a better future for her grandchildren,” pahayag ng kalihim.

Nagtapos ang pagbisita sa isang “salo-salo” kasama ang pamilya Veloso na handog ng lokal na pamahalaan at PESO.

Tiniyak ng DMW ang patuloy na pagtulong sa pagpapaunlad ng mga pamilya ng overseas Filipino workers (OFWs) tulad ng mga Veloso, sa pagbibigay hindi lamang ng emosyonal na suporta kundi pati na rin ng praktikal na tulong upang mapagtagumpayan ang kanilang mga hamon.