Calendar
Chief of staff ni VP Sara maayos ang kalusugan— House Sergeant-at-Arms
MAAYOS ang kalusugan ni Office of the Vice President (OVP) Chief of Staff at Undersecretary Zuleika Lopez batay sa pagsusuri ng mga doktor ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Ayon kay House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon “Nap” Taas lumabas sa ebalwasyon ng mga doktor kay Lopez na normal ang mga vitals nito gayundin ang kanyang ECG.
“‘Yung nakuha po nating report mula sa doctor ng [PNP] na kasama po ni Atty. Lopez na nagdala sa kanya sa [VMMC], ang resulta po ay normal ang lahat ng kanyang vital signs, pati na ang ECG.
Kaya po nagtataka kami kung bakit kinakailangan pa siyang ilipat at ipa-check sa St. Luke’s,” sabi ni Taas.
Pagpapatuloy nito, “Perhaps second opinion, just for added peace of mind. But ang last na report po sa atin ng PNP doctor is normal ang condition. She is in pretty good shape.”
Ayon kay Taas ang inisyal na obserbasyon ng doktor ng PNP ay maaaring nagkaroon ng panic attack si Lopez.
“I cannot confirm [because] I’m not a doctor, but from the reports we got, also specifically from the PNP doctor, para pong panic attack ang observation,” punto nito.
Sa pagtataya umano ng mga tauhan ng Kamara ay wala rin silang nakitang suicidal tendency kay Lopez, na nakulong sa Kamara matapos na ma-cite in contempt dahil sa sulat nito sa Commission on Audit na nagsasabi na huwag ibigay sa komite ng Kamara ang mga rekord kaugnay ng paggastos ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
“Daily po natin tsine-check ‘yun—twice a day po natin kinukuha ‘yung vitals for us to get the opportunity na i-assess ‘yung ating detainees kung meron bang suicidal tendencies,” saad ni Taas.
“And as regards to Atty. Lopez, wala po tayong report from all those on duty. Nagre-report po ng regular basis ‘yun. Wala pong suicidal tendencies,” dagdag pa nito.