Calendar
Huling yugto ng BPSF tagumpay sa Samar: P700M ayuda, 60,000 benepisyaryo
MATAGUMPAY na nailunsad sa lalawigan ng Samar ang huling yugto ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) ngayong 2024, isang pangunahing inisyatiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na naglalayong ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mamamayan.
Ang event, na inilungsad noong Nobyembre 22 at magpapatuloy hanggang sa susunod na araw sa Northwest Samar State University sa Calbayog City, ay namahagi ng higit sa P700 milyong halaga ng mga programa, serbisyo, at tulong-pinansyal sa mahigit 60,000 benepisyaryo, na nagpapatibay sa kahalagahan nito bilang isang mahalagang mekanismo para sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Binigyang-diin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng BPSF, ang kahalagahan ng programa sa pag-abot sa mga komunidad na hindi nabibigyan ng sapat na serbisyo.
“Ito ang patuloy nating tugon sa pagnanais ng ating Pangulong Marcos na ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa ating mga kababayan. Hindi lamang ito programa; ito ay simbolo ng taos-pusong serbisyo at pagkakaisa ng pamahalaan at ng sambayanan,” ayon sa pahayag ni Speaker Romualdez.
Ang BPSF Samar leg, ay dinaluhan ng 62 ahensya ng pamahalaan at 63 kongresista ng Kamara na nag-bigay ng higit sa 255 mga serbisyo. Naglaan din sa event ng P400 milyong cash-assistance, na ipinamahagi sa mga pre-identified beneficiaries sa buong lalawigan.
“This event represented our commitment to bringing concrete, tangible solutions to the everyday challenges faced by our constituents. Sa pamamagitan ng programang ito, naihatid natin ang pag-asa at tulong sa bawat pamilyang Pilipino,” ayon kay Speaker Romualdez, pinuno ng higit sa 300-kinatawan ng Kamara.
Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang pamamahagi ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE), na may kabuuang P300 milyon at nakinabang ang higit sa 20,000 indibidwal.
Ang mga scholarship mula sa Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nakatulong sa maraming estudyante, samantalang ang mga programang pangkabuhayan ay nagbigay suporta sa iba’t ibang sektor.
Nagsimula ang programa sa pamamagitan ng ceremonial turnover ng 19 programa ng 14 na ahensya ng gobyerno.
Magtatapos ang event sa gaganaping “Pagkakaisa Concert” noong Nobyembre 23 sa Calbayog City Coastal Road, kung saan inaasahan ang pagdalo ng higit sa 10,000 katao. Ang konsyerto ay bilang pagdiriwang sa diwa ng pagkakaisa na pinapalaganap ng BPSF.
Umaabot sa P316 milyong halaga ng in-kind aid ang ipinamahagi sa event, kabilang na ang 110,000 kilo ng bigas, gayundin ang social services, health programs, agricultural aid at regulatory services. Ang mga serbisyong ito ay tumugon nang direkta sa mga pangangailangan ng mga tinukoy na benepisyaryo sa buong Samar.
Pinangunahan naman Governor Sharee Ann Tan, Samar 1st District Representative Stephen James Tan at Samar 2nd District Representative Reynolds Michael Tan, sa pakikipagtulungan ng Calbayog City Government, bilang lokal na punong abala sa event.
Pinasalamatan ni Speaker Romualdez, ang mga local host ng event, na dahil sa kanilang pagsisikap ay naging matagumpay ang pamamahagi ng tulong na kinakailangan ng probinsya.
Ang Samar BPSF ay ang ika-25 sa serye ng programa at ang ikaapat sa Region VIII (Silangang Visayas), na nagpapakita ng pagtutok ng administrasyon sa pag-abot sa lahat ng 82 probinsya. Ang hakbang na ito ay nagpatibay sa dedikasyon ng gobyerno na tiyakin ang pagkakaroon ng mga pangunahing serbisyo sa buong bansa.
Kabilang sa mga tampok na aktibidad sa Samar leg ang mga serbisyong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng P255 milyon, suporta sa edukasyon na umaabot sa P219 milyon, at tulong pang-agrikultura na nagkakahalaga ng P30 milyon.
Ang inisyatibang ito ay hindi lamang tumutugon sa mga kasalukuyang pangangailangan kundi nagbibigay kakayahan sa mga komunidad sa pamamagitan ng mga programang may pangmatagalang epekto.
Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang pagtutulungan ng national government, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor sa pagtiyak ng tagumpay ng Samar BPSF.
“Ang tagumpay ng programang ito ay patunay na kapag nagkakaisa ang pamahalaan at ang sambayanan, lahat ay kaya nating abutin,” ayon pa kay Speaker Romualdez.