Ortega

Rep. Ortega kay VP Sara: Gamitin ang tapang sa imbestigasyon ng Blue Ribbon, itigil na drama, budol

13 Views

MATAPOS sumabog ang galit at gumawa ng eksena, hinamon ng isang miyembro ng Young Guns si Vice President Sara Duterte na gamitin ang tapang nito at humarap sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee at ipaliwanag ang kung saan ginastos ang P612.5 milyong confidential funds, kasama na ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Sinabi ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V na imbes na gumawa ng walang kabuluhang eksena, dapat ay ipaliwanag na lamang ni Duterte kung paano niya, bilang Bise Presidente at dating Kalihim ng Department of Education (DepED), ginastos ang nasabing pondo ng bayan.

“Kung kaya niyang maglabas ng matapang na pahayag na parang wala namang sense, dapat kaya rin niyang harapin ang Blue Ribbon Committee at ipaliwanag ang paggamit ng P612.5 milyong confidential funds. Tama na ang drama at budol,” pahayag ni Ortega.

Ginawa ni Ortega ang pahayag matapos sabihin ni Duterte na mayroon itong kinausap na killer para patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ang mga pahayag niya ay nagbigay ng malalaking alalahanin sa mga mambabatas hinggil sa kanyang kakayahang panatilihin ang kanyang composure at pananagutan sa kanyang tungkulin bilang bise presidente.

“Ang ganitong asal ay hindi akma sa isang Bise Presidente. Instead of spewing seemingly unintelligible threats, she should use that spunk to clarify the serious allegations surrounding her office,” puna pa ni Ortega.

Kasalukuyang nagsasagawa ng pagdinig ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa confidential funds na nagkakahalaga ng P612.5 milyon.

“Kung walang itinatago, dapat handang magpaliwanag. Sa kanyang outburst, ni hindi niya sinama yung paliwanag niya sa P612.5 confidential funds. Hindi ba ‘yun diverting the issue?” Giit pa ni Ortega.

Hinimok ni Ortega si Duterte na ipakita ang kanyang pagiging pinuno sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

“This is her chance to show the Filipino people that she values accountability and governance. Kung matapang ka sa pananalita, sana maging matapang ka rin sa pagpapaliwanag,” saad pa nito.

Binanatan din ni Ortega ang kamakailang ginawang eksena ng Bise Presidente na aniya’y, wala namang naitutulong.

“Theatrics like camping out in the House of Representatives only serve as a distraction. Hindi ito nakakatulong para maibalik ang tiwala ng publiko,” ayon pa kay Ortega.

Ipinunto pa ng kongresista ang kahalagahan ng pagpapaliwanag tungkol sa umano’y maling paggamit ng pondo, lalo na sa harap ng mga pagsubok sa ekonomiya na nararanasan ng maraming mga Pilipino.

“Habang naghihirap ang karamihan ng mga Pilipino, dapat maipakita na bawat piso ng kaban ng bayan ay ginagamit ng tama. Huwag naman sanang budol ang kalabasan,” saad pa ni Ortega.

“The Blue Ribbon Committee exists to ensure that public officials remain accountable. Bilang lingkod-bayan, dapat kang sumunod sa proseso at harapin ang mga tanong,” ayon pa sa mambabatas.

Binigyang-diin ni Ortega na ang kooperasyon ng bise presidente sa imbestigasyon ay magbibigay ng positibong mensahe sa sambayanang Pilipino.

“Kung haharap siya at sasagutin ang mga tanong ng Blue Ribbon, makikita ng publiko na may respeto siya sa demokrasya at sa mga institusyon natin,” paliwanag pa nito.

“Ang pananagutan sa bayan ay hindi isang palabas. It’s about honesty, integrity and respect for the rule of law. Tama na ang drama, harapin mo ang Blue Ribbon,” ayon pa kay Ortega.