Calendar
SP Chiz: Serbisyo agri ibalik sa gobyerno
MULING isinulong ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang renationalization ng mga serbisyo sa agrikultura upang pasiglahin ang sektor.
Binigyang-diin ni Escudero ang kanyang panukala na ibalik sa kontrol ng national government, partikular sa Department of Agriculture (DA) at mga attached agencies nito, ang mga serbisyo at pasilidad sa agrikultura.
Binanggit ng Senate President ang pagbabago-bago ng mga patakaran at prayoridad sa sektor ng agrikultura sa ilalim ng iba’t’ibang liderato ng lokal na pamahalaan.
Mula pa noong 1998 kung kailan congressman pa siya, naghain na si Escudero ng parehong panukalang batas sa agrikultura.
Ang Republic Act No. 7160 o Local Government Code (LGC) ng 1991 nagkaroon ng mga pagbabago sa serbisyo sa agrikultura at kalusugan sa mga lokal na pamahalaan bilang bahagi ng pagbibigay sa kanila ng mas malaking awtonomiya.
Ayon sa feedback mula sa mga stakeholder ng sektor ng agrikultura sa mga konsultasyong isinagawa kaugnay ng pagsusuri sa implementasyon ng LGC sa paglipas ng mga taon, may malakas na panawagan para sa nasyonalisasyon ng mga serbisyo sa agrikultura.
Ito ang nagtulak kay Escudero na muling maghain ng mga panukalang batas upang maisakatuparan ito.
“Since I became a congressman in 1998, I filed a bill to renationalize agriculture.
Ang problema kasi sa agrikultura natin dinevolve ‘yan kasama ng health sa Local Government Code of 1991.
Kaya nawalan ng kamay, braso at paa ang agriculture department at health kaugnay sa nagaganap sa mga LGU,” ani Escudero.
Ang pagpasa ng ilang mga batas na may kaugnayan sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura, kabilang ang Republic Act 8435 o Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997, nangangailangan ng ganap na administratibong kontrol at superbisyon ng DA sa lahat ng tauhan nito sa field na sangkot sa agrikultura at pangisdaan.
Ang mga agricultural extension worker o mga tauhan sa field maaaring mas magamit nang epektibo upang suportahan ang bagong sigla sa sektor ng agrikultura.
“In contemplating whether or not to revive renationalization, sana maging solusyon ng administrasyon na timbangin nila ‘yung renationalization ng agriculture sector muli para hawak ng kalihim ang lahat ng programang pang agrikultura,” sabi ni Escudero.