Kelot

2 kelot huli sa cara y cruz sa Malabon, shabu ginawang pantaya

Edd Reyes Nov 24, 2024
15 Views

KelotDALAWA sa mga kalalakihang nagsusugal na ginagamit umanong taya ang shabu ang natimbog ng mga pulis Sabado ng hapon sa Malabon City.

Na-kuwelyuhan kaagad ng mga tauhan ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan sina Arnold Fuentes, 20, at Elmer Alcantara, 46, kapuwa residente ng Sitio 6 Dumpsite, Brgy. Catmon, habang nagpulasan hanggang makatakas ang mga kalalakihang tumataya rin sa nagaganap na sugal na cara-y-cruz sa Sito 6 Street.

Batay sa ulat, nakatanggap ng reklamo ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-4 dakong alas-3:20 ng hapon hinggil sa nagaganap na sugal na cara-y-cruz na lumilikha ng labis na ingay kaya’t kaagad na tinungo ng mga pulis ang lugar.

Gayunman, bago pa makalapit ang mga pulis, nagpulasan na ng takbo ang mga kalalakihan nang matimbrehan ng kanilang bantay kaya’t dalawa lamang ang inabutan ng mga pulis.

Nang kapkapan, nakuha kay Alcantara ang plastic sachet na naglalaman ng 0.7 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P4.760.00 na umano’y ginagamit ding pantaya sa ilegal na sugal habang P550,00 kabuuang salapi at tatlong baryang pangara ang nakuha rin sa lugar.

Mahaharap ang dalawa sa paglabag a P.D. 1602 o illegal gambling habang karagdagang paglabag sa R.A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act ang isasampa kay alyas Michael sa Malabon City Prosecutor’s Office. (edd reyes)