Calendar
Usec Lopez inilipat ng kulungan dahil sa paglabag ni VP Sara sa protocol ng Kamara
DINEPENSAHAN ng chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang desisyon ng komite na ilipat ng kulungan ang na-contempt na si Undersecretary Zuleika Lopez dahil sa paglabag ni Vice President Sara Duterte sa protocol ng Kamara de Representantes at pag-abuso sa prebilihiyong ibinigay dito.
Ginawa ni Manila Rep. Joel Chua ang paglilinaw sa simula ng ikapitong pagdinig ng kanyang komite hinggil sa diumano’y maling paggastos ng P612.5 milyong confidential funds na natanggap ng OVP (P500 milyon) at ng Department of Education (P112.5 milyon) noong 2022 at 2023, sa ilalim ng pangangasiwa si VP Duterte bilang kalihim ng edukasyon.
Ayon kay Chua, ang paglabag sa mga security protocol ng Kamara at ang pang-aabuso sa mga pribilehiyo ng pagbisita na ibinigay sa Bise Presidente ang naging dahilan ng paglilipat kay Lopez, ang chief of ni Duterte sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong City.
“May breach of security protocols and guidelines of the House of Representatives on the conduct of visits to detained individuals. Kahit na ilang beses po tayo nanawagan sa Bise Presidente, patuloy pa rin po ang kanyang disregard and brazen non-compliance of office orders prohibiting visitors from staying overnight in the premises of the House of Representatives,” paliwanag ng mambabatas.
Sinabi niya na sa kabila ng mga konsiderasyong ibinigay sa Pangalawang Pangulo at kay Lopez, inilagay nila sa panganib ang seguridad ng buong Kamara at ang mga tauhan nito.
“Nilagay nila sa security risk ang buong Kongreso sa pagpumilit ng Bise-Presidente na manirahan sa loob. May notice pa po tayong natanggap noong Biyernes – magwa-walking exercise raw si Bise Presidente sa loob ng Batasan complex,” saad pa nito.
“Bandang hapon ng November 22, siguro noong naging malinaw sa OSAA (Office of Sergeant-at-Arms) na mananatili ulit ang Bise Presidente sa loob ng Batasan for that night, nakatanggap po ang ating komite ng report mula sa OSAA reiterating that the continued presence of the Vice-President in the House of Representatives complex has disrupted its normal operations and has jeopardized security,” pagbabahagi pa ni Chua.
Dahil sa “kagyat na pangangailangan na iniulat ng OSAA,” nagpulong ang komite ni Chua, na bumoto para ilipat si Usec. Lopez.
Hinimok din niya ang publiko na huwag magpaloko sa mga diversionary tactics at dramatikong kilos na ipinairal ng Pangalawang Pangulo at ni Lopez.
“It seems na ginamit ang pagkakataon na ito upang i-distract at i-divert ang attention ng publiko palihis sa mga isyu na tinatalakay natin…Sadya pong pilit na tinatabunan ang mga tanong ng taumbayan ukol sa magkaibang pirma ni Kokoy Villamin sa acknowledgment receipts ng DepEd at OVP. Pati na rin sa mala-Superman na paglipad ni Edward Fajarda sa dalawampu’t-pitong lugar sa Pilipinas sa loob lamang ng isang araw,” saad nito.
“Imbis na sagutin ang ating mga katanungan ay nag-stage po ng mala-siege sa loob ng Kongreso at nagpa-unlak ng kung anu-anong kwento ukol sa pag-detain kay Atty. Lopez…Sa bawat pagdinig po natin, patong-patong po ang mga natutuklasang kababalaghan na nangyari sa P612.5 million na confidential funds ng OVP at DepEd. At panawagan ko po sa taumbayan na huwag po natin hayaan na ibaon ang ating mga katanungan gamit ang mga diversionary tactics,” ayon pa sa kongresista.
Giit pa nito, magpapatuloy ang imbestigasyon ng panel, hangga’t hindi nasasagot kung saan napunta ang P612.5 million na pondo ng bayan.
Giit pa Chua: “Pero huwag natin kalimutan na hanggang ngayon ay wala tayong natatanggap na malinaw na paliwanag kung bakit BINUDOL ang mga kawani ng AFP na maglabas ng mga Sertipikasyon na gagamitin pala ng DepEd sa pag-justify ng kanilang paggamit ng confidential funds kahit na wala namang natanggap na pera ang AFP mula sa DepEd confidential funds. At oo – isang misteryo pa rin para sa taumbayan ang pagkatao nitong si Mary Grace Piattos.”