Calendar
PBBM nagsalita na: VP Duterte malinaw na panganib sa PH
NAGPAHAYAG ng buong suporta ang liderato ng Kamara de Representantes sa pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa pagbabanta sa kanyang buhay ni Vice President Sara Duterte, at iginiit na dapat harapin ng Ikalawang Pangulo ang pananagutan sa kanyang naging aksyon.
Kapwa sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jayjay” Suarez, at Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe na kailangan harapin ni Duterte ang resulta ng kanyang mga aksyon na hindi na akma sa kanyang posisyong hinahawakan.
Ang kanyang mga aksyon din aniya ay hindi lang basta kriminal kundi maituturing na isang destabilisasyon.
“Ang pagbabanta sa buhay ng Pangulo ay hindi lang krimen – ito ay senyales ng kawalang-kakayahan na mamuno nang maayos. Ang ganitong asal ay nagpapakita ng problema kung papaano mag-isip ang isang lider na dapat ay nagtutulak ng pagkakaisa, hindi kaguluhan,” ani Gonzales.
Dismayado rin si Suarez sa ipinakitang pag-uugali ni Duterte na aniya ay isang malinaw na banta sa bansa.
“Her behavior only proves that her actions may cause discord in our people, making them a danger to the nation. Mismong Pangulo na natin ang umalma. Unity po ang panawagan ni PBBM, pero may bounds po ang pagkakaisa kung ang kasama niyo ay pinagbabantaan ang inyong buhay,” sabi ni Suarez.
“Hindi ito simpleng pananabotahe sa ating demokrasya; ito ay isang pagsubok sa katatagan ng ating republika,” dagdag pa niya.
Inakusahan ni Dalipe si Duterte ng kawalan ng paggalang sa pagkapangulo at rule of law.
“Ang pagbabanta ng karahasan sa Pangulo mismo ay hindi lamang mali kundi isang pagtataksil sa bayan. Ang ganitong pagkilos ay kailangang masagot ng Vice President sa ilalim ng ating batas,” ani Dalipe.
Kapwa suportado rin ng mga lider ng Kamara ang panawagan ng Pangulong Marcos sa pagrespeto sa proseso ng demokrasya at pananagutan.
“Malinaw ang sinabi ng Pangulo – kailangan manaig ang batas at ang katotohanan. Walang sinuman, kahit ang Pangalawang Pangulo, ang exempted dito,” ani Gonzales.
Kinondena rin ng mga mambabatas ang pagtanggi ni Duterte na makipagtulungan sa mga imbestigasyon na nauwi sa mga pahayag na puno ng galit.
“Sa halip na harapin ang isyu, mas pinipili niyang maghasik ng kaguluhan. Ang ganitong asal ay hindi karapat-dapat sa opisyal na binoto para maglingkod, hindi para magdulot ng takot,” sabi ni Suarez.
Nagbabala sila sa panganib kung pababayaan ang ganitong asal.
“Kung kayang magbitiw ng ganitong klaseng pagbabanta laban sa pangulo, ano pa kaya ang kayang gawin ng isang lider na wala nang takot sa batas?” ani Dalipe.
Nabahala rin ang mga lider ng Kamara sa hindi magandang ehemplong maaaring gayahin dahil sa mga aksyon ni Duterte.
“We cannot allow this kind of recklessness to undermine the trust of the people in their leaders,” sabi pa ni Suarez.
Kinuwestyon muli ni Gonzales ang pagiging akma ni Duterte sa hawak niyang puwesto. “Ang ganitong meltdown ay nagpapakita na hindi siya karapat-dapat sa kanyang posisyon,” pahayag ng solon.
“Kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin nang maayos, mas mabuting harapin niya ang mga paratang laban sa kanya,” dagdag pa ng mambabatas.
Nanindigan din ang mga mambabatas sa pasuporta sa independent na pagiimbestiga ng kongreso.
“Congress has the mandate to ensure public accountability,” sabi ni Suarez. “Ang paghadlang sa mga imbestigasyon ay isang malinaw na pagsuway sa ating Konstitusyon.”