Calendar
Panawagan ni Digong sa AFP na kumalas sa Marcos admin hindi dapat seryosohin, ginagamit panlihis sa isyu ni VP Sara— House leaders
MINALIIT ng mga lider ng Kamara de Representantes ang napaulat na panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na talikuran ang pagsuporta sa administrasyon at tinawag ang pahayag bilang “hyperbole at diversionary.”
Giit nila isang propesyunal na organsasyon ang militar at mananatili silang tapat sa sinumpaang tungkulin na depensahan ang Konstitusyon.
“This isn’t the first time na we’ve had this statement (from the former president). And I recall nangyari po ito last time…pero at this point, puro hyperbole. I’m not sure if it should even be dignified with a serious consideration,” ani 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez
“Why I am able to say you shouldn’t take it seriously anymore kasi baka hyperbole? Kasi I also have full trust and confidence in our Armed Forces that they will stay true to their oath to protect and uphold the Constitution…yung suggestion na yan is very much against the Constitution so I don’t think even the AFP will take that seriously,” sabi pa ni Gutierrez.
Dagdag pa ni Gutierrez, tatlong beses na niyang narinig na sinabi ito ng dating Pangulo.
“Parang tatlong beses na yata nilang statement yan o sinubukan na ginawa. Kaya nga sinasabi ko talagang lumang tugtugin na yan. Wala nang maniniwala, wala nang sasama dyan. Kasi ang taong bayan, mas maraming problema na kailangan ayusin. Yan ang ginagawa natin ngayon. Huwag na silang dumagdag sa problema ng bansa. Dine-divide pa nila ang bansa natin. Wala. Lumang tugtugin na yan. Wala nang nakikinig,” aniya.
Naniniwala naman si House Assistant Majority Leader and Zambales Rep. Jay Khonghun, ang mga pahayag ng dating pangulo ay para lang matabunan ang isyu sa maling paggamit ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte sa P612.5 million na confidential at intelligence fund.
“Well, this is another diversionary tactic. Para pagtakpan ang totoong issue na kinakaharap ng ating Bise Presidente, tingin natin sa sobrang bigat ng mga issue ngayon ng ating Vice President, kailangan niya ng tulong ng kanyang ama para tulungan ang anak na pagtakpan kung ano man yung kinaharap ng ating Vice President,” saad niya.
“Isa lang ang masasabi natin. Explain lang niya kung paano ginamit ang confidential fund. Yan na yan. Hindi na natin kailangan ng mga salita na hindi nakakatulong sa ating bayan at lalong nakakapagbigay ng division sa ating mamamayan,” dagdag pa ng tagapangulo ng House Committee on Bases Conversion.
Sumang-ayon dito si House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon.
“Isa na naman itong paglilihis sa mga issue na ipinupukol sa kanya pong anak na si Bise Presidente,” aniya.
Hindi rin tama ani Bongalon para sa dating pangulo na udyukan ang militar na tumiwalag sa kasalukuyang administrasyon.
“Para sakin hindi akma sa isang naging chief executive, naging isang presidente na may taong mananawagan na hikayatin na mag-withdraw ng kanilang suporta sa kanila pong commander-in-chief. Alam po yan ni PRRDB bilang isang naging commander-in-chief na isa sa mga ayaw mong mangyari ay kumalas ng suporta ang ating mga militar,” sabi pa niya
“So, i guess that is an inappropriate statement ng isang naging dating presidente at naging commander-in- chief ng ating bansa dahill kung ganyan, again we are not calling for peace and unity in our country. Mas lalo mo pang hinihikayat na magkaroon ng gulo, away sa ating hong bansa,” dagdag ni Bongalon.
Kapwa naniniwala sina Khonghun at Gutierrez sa propesyunalismo ng AFP.
“Nakita naman natin yung professionalism ng Armed Forces of the Philippines at talagang nakikita natin na gusto rin malamang nag Armed Forces kung ano yung katotohanan lalung-lalo na sa confidential fund. At sa ngayon nga dineny na ating Armed Forces na nakatanggap sila ng confidential fund sa Office of the Vice President,” sabi ni Khonghun