Sen. Risa

Sen. Risa: Senado papalakasin sistema vs money laundering, etc.

12 Views

KINUMPIRMA ni Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros na sisimulan na ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality ang pagsulat ng Committee Report matapos ang pagtatapos ng mga pagdinig kaugnay ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).

Nakapaloob sa ulat na ito ang mga panukalang batas na naglalayong palakasin ang mga sistema upang maiwasan ang pang-aabuso sa civil registration, imigrasyon, money laundering, eleksyon, at pambansang seguridad.

“The committee also retains its jurisdiction to seek access to She Zhijiang. His information, if proven true, is crucial for our national security,” ani Hontiveros. Idinagdag pa niya na ang National Intelligence Coordination Agency (NICA) ay magpapakita ng karagdagang impormasyon sa isang executive session hinggil sa pagpasok ng mga ahenteng Tsino sa bansa.

Ipinahayag din ni Hontiveros ang kumpiyansa na maipapasa ng Senado ang Anti-POGO bill, alinsunod sa anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa pagbabawal ng POGOs sa buong bansa.

Binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pananagutan sa mga kasong isinampa laban kay Guo Hua Ping at sa kanyang mga kasabwat, sabay alok na ibahagi ang mga ebidensiyang nakalap mula sa imbestigasyon ng Senado. “Sa dami ng ebidensiyang nakalap natin, I trust that Guo Hua Ping and her co-conspirators will face justice,” wika ni Hontiveros.

Ang mga pagdinig ay naglalayong suriin ang operasyon at epekto ng POGOs, kung saan natuklasan ang mga isyung may kaugnayan sa pambansang seguridad, kriminal na aktibidad, at mga sistematikong kahinaan.