Calendar
LTO, NLRC lumagda sa kasunduan
NILAGDAAN ng Land Transportation Office (LTO) at National Labor Relations Commission (NLRC) ang isang kasunduan na nagtataguyod ng mas matibay na koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya patungkol sa mga kasong legal at desisyon na may kaugnayan sa mga sasakyang panlupa.
Pinangunahan nina LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II at NLRC Chairperson Grace E. Maniquiz-Tan ang paglagda sa kasunduan sa isang seremonya noong Martes, Nobyembre 26, sa tanggapan ng NLRC sa Ben-Lor Building, Quezon City.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Assec Mendoza ang kahalagahan ng kasunduang ito dahil ipinaliwanag niya na may terms of reference ito na nagpapadali sa mga paraan upang matupad ang mandato ng dalawang ahensya.
“Ang kasunduang ito ay nagbibigay ng mga kinakailangang gabay at wastong koordinasyon upang matiyak ang epektibong pagpapatupad ng mga pinal na kautusan, resolusyon, desisyon, at iba pang proseso na inilalabas ng NLRC kaugnay sa mga alituntunin at regulasyon sa transportasyong panlupa,” ani Assec Mendoza.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si NLRC Chairperson Tan sa pamunuan ng LTO dahil sa pagpapadali ng kanilang mga gawain, lalo na sa aspeto ng beripikasyon, pinal na kautusan, desisyon, resolusyon, at iba pang prosesong legal na nais ipatupad ng kanilang ahensya.
Sa ilalim ng kasunduan, obligadong magbigay ang NLRC ng kopya ng kanilang mga legal na dokumento sa LTO at makipag-ugnayan para sa beripikasyon kung may nakarehistrong sasakyang panlupa sa pangalan ng mga judgment debtor.
Ang NLRC rin ay inatasang magbigay ng mga kaukulang impormasyon sa mga tauhan ng LTO upang maresolba ang mga isyung panghurisdiksyon kaugnay ng rehistro ng mga sasakyan, upang ang tamang logistical na tulong ay maaaring mapalawak, at magsagawa ng iba pang kaugnay na tungkulin upang matupad ang layunin ng Memorandum of Agreement (MOA).
Sa kabilang banda, inatasan ang LTO na agad na aksyunan ang mga kahilingan ng beripikasyon mula sa anumang Sheriff o itinalagang tauhan ng NLRC hinggil sa anumang nakarehistrong sasakyang panlupa sa pangalan ng judgment debtor alinsunod sa writ of execution na inilabas ng anumang Komisyoner o Labor Arbiter ng NLRC.
Sakop ng beripikasyon ng LTO ang sumusunod:
a. Notice of Decision/Resolution;
b. Certificate of Finality/ Entry of Judgment, kung naaangkop;
c. Writ of Execution na nakapangalan sa Sheriff o itinalagang tauhan ng NLRC; at
d. Opisyal na dokumento mula sa NLRC na nagpapatunay na ang humihiling ay awtorisado.
Inatasan din ang LTO na magbigay ng sertipikasyon hinggil sa pag-iral ng nakarehistrong sasakyang panlupa sa pangalan ng judgment debtor, pati na rin ang mga datos ng rehistro ng mga sasakyan alinsunod sa naunang tala.
Bukod dito, inaasahan din ang LTO na magtakda ng kaukulang alarm sa sasakyan alinsunod sa LTO Memorandum Circular No. ACL-2009-1155 upang maiwasan ang paglipat ng pagmamay-ari habang hindi pa naaayos ang Notice of Levy. Gayunpaman, hindi nito maaapektuhan ang pag-renew ng rehistro ng sasakyan habang nasa ilalim ng alarma.
Inaatasan din ang LTO na bumuo ng mga mekanismo upang maisama at mapadali ang NLRC execution processes sa kanilang regular na tungkulin bilang tagapagpatupad ng mga batas sa transportasyon.
Binigyang-diin ni Assec Mendoza na kasama rin sa MOA ang regular na quarterly oversight meetings sa pagitan ng LTO Chief at NLRC Chairperson, kasama ang kanilang mga kinatawan, upang matukoy ang progreso ng implementasyon nito.