Calendar
Trillanes nais mahatulan Digong ng habambuhay ng ICC
IDINEKLARA ni dating Senador Antonio Trillanes IV nitong Miyerkules sa harap ng House quad-committee (quad-comm) na layunin niyang “maipakulong habambuhay” si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pamamagitan ng International Criminal Court (ICC).
Bumalik si Trillanes bilang resource person ng mega-panel sa ika-12 pagdinig nito noong Nobyembre 27, Miyerkules.
Sa halos isang oras na presentasyon — na marahil ang pinakamahaba sa kasaysayan ng quad-comm — inilatag ng dating Navy lieutenant ang umano’y malalim na koneksyon ni Duterte sa iligal na droga, na ayon sa dating pangulo ay labis niyang kinamumuhian.
Nagbigay pa si Trillanes ng bagong kahulugan sa DDS, na karaniwang nangangahulugang “Duterte Diehard Supporters.” Ayon sa kanya, “Duterte Drug Syndicate (DDS)” na ito ngayon, sinabi niya sa mga kongresista.
Sa interpellation ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Beatrix” Luistro, ibinahagi ni Trillanes ang pangunahing dahilan ng pangangalap niya ng ebidensya laban kay Duterte.
“Now, the whole presentation I made is not to pin down Mr. Duterte for these specific crimes because I’m determined to pin him down through the ICC. And that’s all I need. It’s enough to put him away for life,” ani Trillanes.
“What I presented is to shatter that false narrative that he peddled to the Filipino people na galit talaga siya sa iligal na droga,” dagdag pa niya.
Tinitingnan ng ICC ang mga umano’y krimen laban sa sangkatauhan na naganap sa ilalim ng administrasyon ni Duterte, partikular sa madugong kampanya nito kontra iligal na droga na nagresulta sa humigit 30,000 ang nasawi. Karamihan sa mga biktima ay pinaniniwalaang resulta ng extrajudicial killings (EJKs).
Karamihan sa presentasyon ni Trillanes ay binubuo ng open-sourced materials tulad ng mga balitang madaling mahanap, mga panayam, at mga testimonya na nagsimula pa noong 2016.
Malaking bahagi ng impormasyon na ibinahagi ng lider ng Magdalo ay nagmula sa mahabang affidavit ng umano’y hitman ng drug war na naging saksi ng ICC na si Arturo Lascañas.
Ipinagtanggol ni Trillanes ang kanyang pagdepende sa testimonya ni Lascañas. “SHe is way up there as a credible witness, but that’s just coming from me,” aniya.
“Mr. Lascan̈as, again, as a witness, he went through the very rigorous process of being accepted as an ICC witness. He went through this weeks-long process of vetting and validation, and he checked out as the primary witness of the prosecution against Mr. Duterte,” paliwanag niya kay Luistro.
“If these professional investigators and lawyers were able to check him out, then I would have to follow suit,” saad pa ni Trillanes.