SP Chiz

SP Chiz: Kongreso on track sa pagpasa ng ’25 budget

17 Views

TINIYAK ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nasa tamang iskedyul ang Kongreso para maipasa ang 2025 national budget bago matapos ang 2024.

Inilahad ni Escudero ang pahayag sa pagsasara ng bicameral conference committee meeting noong Nobyembre 28.

Kasalukuyang inaayos ng Senado at Kamara ang mga pagkakaiba sa kani-kanilang bersyon ng General Appropriations Bill (GAB), isang mahalagang hakbang upang masiguro na ang gobyerno magsisimula ng bagong fiscal year na may aprubadong budget.

“Governance is about allocating scarce resources,” ani Escudero. Ipinaliwanag niya ang mga hamon sa proseso ng lehislatibo, partikular sa pagbuo at pag-apruba ng taunang budget.

“Ito na marahil siguro ang pinaka-kumplikadong legislation na ipapasa ng Kongreso kumpara sa ibang lehislasyon na naipasa natin noong mga nagdaang panahon,” aniya.

Binigyang-diin niya ang masalimuot na proseso na kinapapalooban ng pagtatalaga ng malaking pondo ng bayan sa iba’t-ibang sektor at rehiyon.

“Kailangan nilang pag-tugmain ang magkakaibang halaga na inilagay, nilipat o kinuha mula sa iba’t-ibang item sa panukalang budget na isinumite ng Executive Branch,” paliwanag ni Escudero.

Sa kabila ng mga hamon, positibo ang pananaw ng senador na matatapos ang trabaho ng bicameral committee sa tamang panahon.

Sinabi rin niya ang kahalagahan ng transparency at hinimok ang publiko na makilahok sa pag-unawa sa proseso ng budget.

“Bubuksan namin palagi ito sa parte ng Senado, sa parte ng Kamara upang busisiin at makita ng taong bayan kung paano nga ba ito ginagawa,” sabi ng senador.

Inamin din ng Senate President ang malaking sakripisyo na kinakailangan mula sa mga mambabatas.

“Hindi birong basahin ‘yung limang volume ng budget para sa parte ng mga chairman at vice chairman na nagbalangkas ng mga bersyon ng Kamara at ng Senado,” dagdag niya.

Ipinaalala niya ang kahalagahan ng pagpasa ng budget sa tamang iskedyul upang maiwasan ang pagkaantala sa operasyon ng gobyerno.

Pinuri rin niya ang pagtutulungan ng mga panel ng Senado at Kamara, at pinasalamatan ang kanilang dedikasyon.

“Bago ako magtapos, nais kong muling pasalamatan ang mga miyembro ng Senado sa trabahong pinakita nila sa mga nagdaang linggo upang maipasa ito,” ayon sa Senate President.

Ang 2025 General Appropriations Bill nakatuon sa pagpopondo ng mahahalagang programa at proyekto ng pamahalaan na layuning tugunan ang mga pangangailangan ng bansa at itaguyod ang paglago ng ekonomiya.

Nilalayon ng Kongreso na isumite ang pinal na budget kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagsusuri at pag-apruba bago ang Christmas break.

Ang maagap na pag-apruba ng budget kritikal upang maiwasan ang re-enacted budget na maaaring magdulot ng pagkaantala sa implementasyon ng mga serbisyo at proyekto ng gobyerno sa 2025.