Anti

VP Sara maaaring managot sa Anti-Terrorism Act— batas na nilagdaan ng kanyang ama

12 Views

MAAARING managot si Vice President Sara Duterte sa mga paglabag sa Anti-Terrorism Act, ang isa sa mga batas na nilagdaan ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2020 bunsod ng kanyang pagbabanta sa buhay nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Ang pagbabanta ng Ikalawang Pangulo ay iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa posibleng kaso na maaaring kaharapin nito ay ang Anti-Terrorism Act.

Binatikos din ni House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun ang mga naging pahayag ni Duterte na layunin ng mga hakbang ng otoridad ay i-freeze ang kanyang mga ari-arian at inihalintulad ito sa sinapit ni dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. na tinawag nitong “Arnie Teves playbook.

Ipinunto ni Khonghun na ang mga nangyayari kay Duterte ay bunga ng kanyang mga ginawa at hindi ng gobyerno.

“Ito ang resulta ng kanyang pinaggagawa at pinagsasabi. Nakita naman natin ang batas na ipinasa nila sa terorismo at nakita naman natin meron siyang violation doon,” ayon kay Khonghun.

Inakusahan ni Duterte na hindi na bago ang mga istilo upang i-freeze ang kanyang mga ari-arian na katulad ng mga taktika na ginamit laban kay dating Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na kinasuhan ng terorismo, na aniya’y bahagi ng isang “malaking plano” laban sa kanya.

Pinabulaanan din ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega V ang pahayag ni Duterte, na sinasabing tanging siya lamang ang dapat sisihin sa kanyang mga aksyon.

“Hindi ito playbook ng ibang tao, playbook niya ito,” ayon kay Ortega.

Binigyang-diin niya ang bigat ng umano’y pagbabanta ni Duterte laban sa mga mataas na opisyal, kabilang na si Pangulong Marcos.

“Siya lang po ang nagtangkang gumawa na tangkain na patayin ang ating Pangulo, ang First Lady, at ang ating Speaker,” dagdag pa ni Ortega.

Nagsimula na ang NBI ng imbestigasyon ukol sa mga pahayag ni Duterte, sa posibleng paglabag sa Anti-Terrorism Act. Sinusuri ng ahensya kung ang kanyang mga pahayag ay maituturing na grave threats ayon sa tinatadhana ng batas.

Ipinunto ni Khonghun ang kahalagahan ng tamang proseso, at sinabi na ang mga ahensya katulad ng Department of Justice (DOJ) at NBI ay nararapat magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga aksyon at inasal ng Bise Presidente.

“Kailangan nating hayaan ang DOJ, ang NBI, at ang ating law enforcement unit na mag-imbestiga,” saad nito.

Ipinunto niya na kung mayroong matukoy na paglabag, nararapat lamang na magsagawa ng legal action.

“Kung nakita nila may inilabag, nararapat lang na filing talaga siya ng kaso,” giit ni Khonghun.

Ang mga pahayag ng mga mambabatas ay kasunod ng mga nagpapatuloy na imbestigasyon hinggil sa mga umano’y maling paggamit ni Duterte ng mga confidential funds na may kabuuang halagang P612.5 milyon at mga banta laban sa mga mataas na opisyal ng gobyerno.