Calendar
Panawagan ni PBBM na bigyang prayoridad pondo sa pangunahing proyekto sinuporatahan
IPINAHAYAG ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang kanyang buong suporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang pondo para sa mga pangunahing proyekto na layuning itaguyod ang panlipunan at pang-ekonomiyang pagbabago ng bansa.
“We fully support President Ferdinand R. Marcos Jr.’s directive to prioritize funding for key projects which were identified critical to our country’s social and economic transformation,” ani Ejercito sa isang pahayag.
Binanggit ng senador na ang mga proyektong ito, partikular sa imprastruktura at serbisyong pangkalusugan, ay tugma sa kanyang matagal nang mga adbokasiya. Kabilang dito ang mga proyektong tulad ng railways, airports, at universal healthcare, na aniya’y magbibigay ng trabaho, lilikha ng oportunidad, at magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Ejercito ang pagsisikap ng Senado na siguruhin ang pondo para sa mga foreign-assisted projects sa 2025 budget. “On our part, we made sure that foreign-assisted priority projects, particularly railway projects, were provided funding in the Senate budget version, and that the GOP portion or the government participation was included in the programmed funds,” aniya.
Dagdag pa ni Ejercito, ang hakbang na ito ay magtitiyak ng tuluy-tuloy na implementasyon ng mga proyekto sa imprastruktura nang walang pagkaantala, isang mahalagang hakbang tungo sa pag-abot ng mga layunin sa pag-unlad ng bansa.
Tinanggap din ng senador ang kumpirmasyon ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan na ang pondo para sa mga proyektong ito ay hindi mangangailangan ng bagong buwis. Pinuri niya ang pagiging maingat ng administrasyon sa paghawak ng pondo ng bayan habang tinutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan. “This demonstrates our fiscal prudence while addressing the urgent needs of our people,” dagdag pa ni Ejercito.
Muling tiniyak ni Ejercito ang kanyang dedikasyon na makipagtulungan sa administrasyong Marcos upang maisakatuparan ang mga proyektong ito. “Rest assured that we are committed to continue working with the Marcos administration to see these priority projects through,” aniya.
Ang pagpopondo at implementasyon ng mga proyektong imprastruktura at serbisyong pangkalusugan ay nananatiling mahalagang bahagi ng pambansang budget, na sumasalamin sa mas malawak na layunin ng gobyerno na itaguyod ang paglago ng ekonomiya at mapabuti ang kapakanan ng publiko.