Calendar
AWLFI pinasinayaan bagong Women, Children Protection Unit ng NCMH
PINASINAYAAN ng Association of Women Legislators Foundation, Inc. (AWLFI) ng 19th Congress, sa pangunguna ng chairperson nitong si Tingog Rep. Yedda Marie Romualdez at Bulacan 4th District Rep. Linabelle Ruth Villarica, ang bagong Women and Children Protection Unit ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong noong Miyerkules.
Ang bagong pasilidad ay natapos sa pagsasama-sama at pagtutulungan ng NCMH sa pangunguna ni Director Noel Reyes at ng 86 women legislators katuwang ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City.
Ang proyekto ay pinondohan ng AWLFI bilang suporta sa Republic Act 11036 o ang Philippine Mental Health Law, ang kauna-unahang mental health legislative act sa kasaysayan ng bansa na siyang naglalatag ng batayan sa paghahatid ng mental health services sa mga bulnerableng sektor ng lipunan.
Sa kanyang talumpati, kinilala ni Villarica, ang pangulo ng AWLFI, si Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kanyang pagtulong upang maipatayo ang bagong gusali.
Dumalo sa inagurasyon sina dating Pangulo at incumbent Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, Vice Mayor Carmelita “Menchie” Abalos at mga opisyal ng NCMH. Ang blessing ng gusali ay pinangunahan ni Fr. Ernesto Panelo.