Taal

Mga piloto pinayuhang sundin vertical limit sa paglipad sa Taal

Jun I Legaspi Dec 5, 2024
53 Views

NAGLABAS ng Notice to Airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para sa mga eroplanong lilipad malapit sa Bulkang Taal na sundin ang vertical limit mula sa ibabaw ng lupa hanggang 11,000 talampakan.

Inilabas ang abiso bilang pag-iingat sa kaligtasan ng mga pasahero at tripulante ng eroplano.

Ang pinakahuling NOTAM epektibo mula alas-9:01 ng Disyembre 5 at magtatapos sa alas-9:00 ng umaga sa Disyembre 6.

Sa kasalukuyan, nasa alert level 1 ang Bulkang Taal na nangangahulugan ng low-level unrest.

Binalaan ng CAAP ang mga eroplano na umiwas sa paglipad malapit sa bulkan dahil sa mga posibleng panganib gaya ng biglaang pagsabog ng singaw (steam-driven o phreatic explosions), minor ashfall at mapanganib na akumulasyon o pagbuga ng volcanic gas.

Hinihikayat din ang mga flight operator na sundin ang mga itinakdang ruta at iwasan ang mga lugar na malapit sa bulkan upang maiwasan ang anumang insidente.

Ang CAAP, katuwang ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), patuloy na nagmomonitor sa sitwasyon upang agad na makapagbigay ng kaukulang abiso kung kinakailangan.

Muling pinaalala ng CAAP na ang kaligtasan ng publiko ang pangunahing prayoridad nito.