Calendar
House panel sa PSA: Record ng 677 na tumanggap ng confi fund hanapin
SUMULAT ang House Committee on Good Government and Public Accountability sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang ipahanap kung mayroong rekord ang 677 na nakalistang tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Ang sulat ay ipinadala ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng komite, kay National Statistician Claire Dennis Mapa matapos lumabas na walang rekord sa database ng PSA si “Mary Grace Piattos,” na isa sa nakatanggap ng confidential fund batay sa isinumiteng acknowledgment receipts (ARs) ng Department of Education sa Commission on Audit (COA).
Noong Miyerkoles, sinabi naman ni SA Assistant National Statistician Marizza Grande na ang ahensya ay walang rekord ng isang Kokoy Villamin na isa rin umano sa mga nakatanggap ng confidential fund ni Duterte batay sa isinumite nitong AR sa COA ng DepEd at Office of the Vice President (OVP).
Batay sa dalawang AR na natanggap ng COA, bagamat magkapareho ang pangalan ay magkaiba ang pagkakasulat at pirma nito.
Ang mga AR ay isinumite ng DepEd at OVP upang bigyang katwiran ang paggastos nito ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023.
“May we request for the verification of the Civil Registry Documents (birth, marriage, and death) of the names in the attached list relative to the investigation being conducted by the Committee,” sabi ni Chua sa sulat na may petsang Disyembre 5.
Ayon sa PSA walang birth, marriage, o death records i Piattos sa kanilang database.
“This is deeply troubling. If Mary Grace Piattos doesn’t exist in official records, we have to question whether the other 677 names are legitimate or if they are part of a wider scheme to misuse funds,” sabi ni Chua.
Binigyang diin ni Chua ang kahalagahan na malaman ang katotohanan sa likod ng mga AR na isinumite ni Duterte sa COA sa pagtiyak na nagastos ng tama ang pondo.
“If even one peso was spent improperly, it is our responsibility to find out and hold those responsible to account,” giit ni Chua.
Napukaw ng pangalang “Mary Grace Piattos” ang atensyon ng mga kongresista sa isinagawang imbestigasyon dahil katunog ito ng pangalan ng isang restaurant at isang brand ng potato chips.
“Ensuring the authenticity of these recipients is crucial for maintaining transparency and accountability in the use of public funds. We are committed to uncovering the truth behind these transactions,” sabi pa ni Chua.
Ayon kay Chua ang resulta ng pagsusuri ng PSA ay magiging mahalagang bahagi ng kanilang isinasagawang imbestigasyon.