Louis Biraogo

Makasariling panawagang magkaisa ni Robredo

373 Views

NOONG 2016, pagkatapos mahalal at maupo bilang Pangalawang Pangulo, itinalaga si Leni Robredo ni Pangulong Duterte na pamunuan ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), sangay ng pamahalaan na inatasang ipatupad ang isang pambansang programa ng kanlungan. Bilang pinuno ng HUDCC, si Robredo ay naging kasapi ng gabinete ng Pangulong Duterte.

Dahil naging kasapi siya ng gabinete ni Duterte, inasahang makipagtulungan siya sa pamahalaan na pagsilbihan ang mamamayan. Ngunit, kabaliktaran ang nangyari. Lahat ng patakaran ng kakaupong Pangulong Duterte ay hindi niya pinalampas. Binato niya ang mga ito ng mga maaanghang pagpuna at pagbatikos.

Ayaw ni Robredo makipagtulungan sa pamahalaan ni Pangulong Duterte at pinili niyang maging boses ng mga kumakalaban kay Duterte. Pinangunahan niya ang kilusan na lumalaban sa programang digmaan laban sa droga ni Pangulong Duterte. Ngunit, nakita natin na karamihan sa mga masigasig na tagasunod ni Robredo sa gayong kilusan ay mga kilalang dilawan kaya napunaan ang napaka-aga at wala sa lugar na pamumulitika ng mga ito.

Maalala din natin na nang napaupo si Duterte bilang Pangulo, agaran niyang iniutos ang pagpalibing kay dating Presidente Ferdinand E. Marcos (FM) sa libingan ng mga bayani. Ang pangunahing dahilan ni Duterte sa pagpapalibing kay FM ay upang malampasan na ng mga Pilipino ang hidwaang Aquino laban sa Marcos. Hinikayat ni Duterte ang lahat na iwanan na ang yugtong ito sa kasaysayan ng Pilipinas at magtungo na sa pagpapaunlad ng bansa.

Ngunit, ito’y nilabanan din ni Robredo at ng kanyang mga kampon.

Ang sabi ni Robredo sa pagpapalibing ng pamilyang Marcos kay FM, “like a thief in the night (Pagsasalin: parang mga magnanakaw sa gabi).” Dagdag pa niya,“(Marcos) is no hero. If he were, obviously his family would not have to hide his burial like a shameful criminal deed. (Pagsasalin: Si Marcos ay hindi bayani. Kung siya’y isa nga, malinaw na ang kanyang pamilya ay hindi kailangang itago ang kanyang pagpapalibing tulad ng isang nakakahiyang gawaing kriminal).”

Kalaunan, hinirang si Robredo na tagapangulo ng Partido Liberal.

Dahil sa tuloy-tuloy ang pag-kinang ng bituing pampulitika ni Robredo sa hanay ng oposisyon, marami ang nagtatanong kung siya’y tatakbong sa pagkapangulo sa susunod na halalan.

Ngunit, pinasinungalingan ni Robredo na takam na takam siya sa kapangyarihan ng Pangulo ng bansa. Ayon kay Robredo, wala siyang ambisyong maging pangulo. Ngunit, kahit na pinagdidiinan ni Robredo ito sa madla, ito nama’y pinabulaanan ng kanyang galawang pampulitika.

Ito ang mga ginawa ni Robredo upang paghandaan ang kanyang pagtakbo sa pagkapangulo:

• Naging palatutol o palakontra siya sa lahat ng patakaran ni Pangulong Duterte, lalong-lalo na, sa programang digmaan laban sa droga. Hindi niya pinagbigyan ang panawagan ni Duterte na kalimutan muna ang pulitika at pansamantalang magka-isa para sa kapakanan ng bayan. Sa pagiging palatutol o palakontra ni Robredo sa pamahalaang Duterte, nangangarap siya na aanihin niya ang lahat ng mga nadidismaya o madidismaya kay Duterte pagdating ng tamang panahon. Naiisip ni Robredo na pananagutin niya ang magiging pambato ni Duterte sa susunod na halalan;

• Naging tagapangulo siya ng Partido Liberal, organisasyong pampulitika;

• Naging laman siya ng mga pahayagan kahit sa walang kwentang dahilan;

• Kinuha niya ang suporta ng mga negosyanteng magpopondo ng kanyang makinarya, lalong-lalo na ang mga negosyanteng nasagasaan ni Duterte;

• Kinuha niya ang suporta ng mga dayuhang maka-Amerikanong interes sa larangan ng pulitika at negosyo ng Pilipinas, lalong-lalo na yung mga nahirapang hawakan si Pangulong Duterte; at,

• Tinangka niyang pag-isahin ang mga pangunahing nagbabalak tumakbong Pangulo sa darating na halalan ng 2022.

Noong nakaraang taon, inulit na naman ni Robredo ang kasinungalingang wala siyang ambisyong maging susunod na Pangulo ng ating bansa. Ngunit, nakakatawa na naglaan siya ng dalawang kondisyon upang siya’y mapatakbo sa pagkapangulo. Una, dapat magkaroon ng pinag-isang kandidato ang oposisyon. Pangalawa, dapat makita niyang tumatakbo din sa pagkapangulo si dating Senador Bong Bong Marcos (BBM).

Dahil hindi natupad ang unang kondisyon ni Robredo na magkaroon ng pinag-isang kandidato sa pagkapangulo ang oposisyon, binigyan niya ng malakas na pag-diin ang naipahayag niyang pumapangalawang kondisyon sa pagtakbo – ang pigilan na mailuklok si BBM sa pagkapangulo at makabalik ang mga Marcos sa kapangyarihan.

Sa mga kaganapang ito, itinigil na ni Robredo ang pagkukunwari at isinapubliko ang matagal na nitong tinatangging ambisyon na hawakan ang kapangyarihan ng pamahalaan. Ang pahele-heleng kandidato ay naging “buo ang loob at hindi natatakot” labanan ang pamahalaang Duterte bilang kandidato sa pagkapangulo ng mga kinasusuklamang dilawan.

Itong huli lang, mga Marso hanggang Abril, 2022, mga higit isang buwang na lang bago ang halalan sa Mayo, tinangka na naman ni Robredo na pag-isahin ang lahat ng mga tumatakbo laban sa tambalang BBM at Sara Duterte. Ang hangarin ng gayong pagkaka-isa ay upang mapalakas ang puwersa na lumalaban kay BBM.

Bakit hindi binigyan ng pansin kung ano-ano ang mapapala ng taumbayan kung magkaisa ang lahat na lumalaban sa tambalang BBM-Sara?

Bakit hindi muna sinuri kung ang mga magiging ka-alyado sa minumungkahing nagkaisang oposisyon ay nagkakaisa din sa mga bitbit na mga prinsipyo at programa sa pamunuan?

Bakit si Robredo kaagad ang magiging pambato ng gagawing nagkaisang oposisyon at hindi yung ibang magiging kasapi?

Bakit hindi na lang sumapi ang mga naanyayahan sa minumungkahing nagkaisang oposisyon na sila Isko Moreno, Doc Willie Ong, Ping Lacson, Tito Sotto, Manny Pacquiao at Lito Atienza, at iba pa, sa tambalang tiyak na mananalo, ang tambalang BBM-Sara? Hindi ba sina BBM at Sara ang naunang nagmungkahi ng pagkakaisa para sa bayan?

Hindi ba nabibisto na ang tunay at tanging layunin lamang ni Robredo ay ang mahawakan ang kapangyarihan ng pamahalaan? Ang kaisa-isang hindi maipagkakailang layunin ay ang talunin ang nangungunang kandidato sa pagkapangulo na si BBM?

Hindi nakakapagtataka na lalong uma-ayaw ang masang Pilipino sa kandidatura ni Leni Robredo. Hindi na malilinlang ni Robredo at ng mga dilawan ang taumbayan na bigyan pa muli ng pagkakataong ibalik ang kanilang makasarili at bulok na pamunuan. Nakikita sa mga pananaliksik sa pulso ng botante (voters’ preference survey) na sinusuka ng mamamayan si Robredo, kasabay ng kanyang mga dilawan.

Si Robredo ay makasarili at hindi tunay na naghahangad pagsilbihan ang taumbayan. Ang panawagang magkaisa ay ginagawa niya upang manalo lamang sa halalan at hindi upang gumawa ng kabutihan.

Ang tunay na panawagang pagkakaisa na nararapat pakinggan at sundin ng mga Pilipino ay ang panawagan ni BBM at Sara.