INC

INC magsasagawa ng rally bilang suporta sa panawagan ni PBBM vs VP Sara impeachment

70 Views

MAGKAKASA ang Iglesia ni Cristo (INC) ng rally bilang suporta sa panawagan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga mambabatas na huwag maghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang report sa INC-run network Net25 noong Huwebes, sinabi ni “Sa Ganang Mamamayan” program host Gen Subardiaga na ang impeachment complaint laban sa second highest official ng bansa ay hindi prayoridad dahil mas marami pang mahahalagang isyu na dapat tugunan.

“Ang Iglesia ni Cristo ay para sa kapayapaan. Ayaw po natin sa anumang uri ng kaguluhan na manggagaling sa kaninumang panig. Ngayon pa lamang mga kababayan ay nag organisa na po ang mga lokal sa buong Iglesia para magkaroon ng mga malalaking pagtitipon. Para ipakita, ipahayag itong binabanggit namin na pabor kami sa opinion ng Pangulong Bongbong Marcos na no to impeachment,” dagdag pa ni Subardiaga.

Nauna rito ay sinabi ng Pangulo na hindi niya sinusuportahan ang mga panawagan para sa impeachment ng bise presidente, idinagdag na ang nasabing hakbang ay hindi makatutulong sa mga mamamayanf Pilipino.

Sa kabila nito, dalawang hiwalay na impeachment complaints ang inihain sa House of Representatives laban kay Duterte ngayong linggo.

Ang unang impeachment complaint ay inihain noong Lunes dahil sa umano’y paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust at iba pang high crimes bilang grounds para sa impeachment.

Ang ikalawang impeachment complaint ay inihain noong Miyerkoles ng Makabayan bloc dahil sa umano’y betrayal of public trust.