Sara

Mas mahirap patawarin taong winaldas pera ng taong-bayan -Rep. Valeriano

Mar Rodriguez Dec 7, 2024
35 Views

KUNG para kay Vice President Inday Sara Duterte ay mahirap siyang magpatawad kahit pa ngayong panahon ng Kapaskuhan, binigyang diin naman ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano na mas lalo umanong mahirap magpatawad sa isang taong winaldas ang perang galing sa dugo at pawis ng taong-bayan.

Ito ang reaction ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, matapos mag-post sa social media si VP Sara na: “Ang Pasko po ay panahon ng pagpapatawad, pagmamahalan at pagbibigay. Pero po ako, hindi po talag ako magpapatawad”.

Dahil dito, sinabi ni Valeriano na napakahirap talagang maunawaan kung ano ang mga bagay na nagpapairita sa Pangalawang Pangulo upang makapagbigay siya ng ganoong pahayag gayong napakalinaw naman aniya na ginagawa lamang ng Kamara de Representantes ang tungkulin nito kaugnay sa pera ng bayan.

Ipinaliwanag ni Valeriano na obligasyon nilang mga mambabatas ang busisiing mabuti kung saan napupunta at kung papaano ginagastos ng mga government officials ang pondo ng bayan sa pamamagitan ng taunang national budget kasama na dito ang Office of the President (OP) at Office of the Vice President (OVP).

Sabi ng kongresista na hindi dapat personalin ni VP Sara Duterte ang ginagawang imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountabiity o ang Blue Ribbon Committee ng Kongreso patungkol sa kung papaano at kung saan nito ginastos ang kontrobersiyl na P125 milyong Confidential Fund ng OVP at Department of Education (DepEd) na dating pinamumunuan ni Duterte.

Pagdidiin ni Valeriano na kung mahirap pala kay VP Sara ang magpatawad, mas lalo dapat aniyang hindi patawarin ang mga taong walang habas na winaldas ang pera ng mamamayang Pilipino sa gitna ng marami ang naghihikahos dahil sa mahirap nilang kalagayan sa buhay.

“Huwag din natin patawarin ang mga nagwaldas ng pera ng taong-bayan sa gitna ng naghihikahos nilang pamumuhay. Marami sa ating mga kababayan ang nghihirap sa buhay, pero nagawa pang waldasin ang pera ng taong-bayan na galing sa kanilang dugo at pawis,” wika nito.

Kasabay nito, inihayag din ni Valeriano na maraming natuklasang problema ang Commission on Audit (COA) patungkol sa di-umano’y iba’t-ibang aid programs ng OVP alinsunod sa kanilang 2023 report.

“Accountability reports did not include distribution lists. COA had to remind the OVP that there should be proper and certified distribution lists of NFA rice beneficiaries,” sabi pa ni Valeriano.