bro marianito

Ang aking naging buhay bago pa man ako tinawag ng Panginoong Diyos para magsilbi sa kaniya

212 Views

HULING BAHAGI…

PAGKATAPOS ng aking pakikipag-usap kay Fr. Virgilio Ojoy, O.P. sa pamamagitan ng “counselling”, dito ko unti-unting nauunawaan na ang mga nangyayari sa akin sa pamamaraang “espirituwal” ay bahagi ng aking “conversion” o tuluyang pagbabalik loob sa ating Panginoong Diyos.

Kahalintulad sa kuwento ni San Pablo (Dating Saulo) na dati rin namumuhay sa kabuktutan (kasalanan), ngunit sa isang tagpo siya’y tinawag ng Panginoong Jesus para maglingkod sa kaniya. Ang dating napakasamang tao ay naging Alagad ni Kristo. (Gawa 9:1-18 at Gawa 22:6-16)

Ang mga tinawag ni Jesus para maglingkod sa kaniya ay hindi naman magtatagisan o magpapagalingan kung sino sa kanila ang mas maraming kasalanan o kaya naman ay kung sino sa kanila ang mas masamang tao bago sila tinawag ni Kristo.

Ang lahat ng tinawag ng Panginoong Hesus ay hindi karapat-dapat para maglingkod sa kaniya. Sapagkat ang lahat ng tinawag niya para sumunod sa kaniya ay mga dating makasalanan subalit silang lahat ay binago ni Kristo Jesus matapos silang makipag-isa.

“Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang, wala na ang dati niyang pagkatao. Sa halip ito’y napalitan na ng bago”. (2 Corinto 5:17)

Kaya matapos ang pag-uusap namin ni Padre (Fr. Ojoy, O.P.), paunti-unti kong naiintidihan na ang aking “spiritual life” ay dahan-dahang pinapanday ng Panginoong Jesus. Nauunawaan ko na rin na ang araw-araw na pagsisimba ko ay hindi lamang isang “ningas-kugon” o “inconsistent” kundi isang pamumuhay na nasa-Diyos o na kay JesuKristo.

Samakatuwid, nasabi ko sa aking sarili na ang aking nilalakaran o ang landas na tinatahak ko patungo sa “buhay espirituwal” ay nasa tamang direksiyon. Hindi lamang ito sa simula kundi isang bagay na makatotohanan at pang-habambuhay.

Sa mga labi ni Jesus namutawi ang mga katagang siya ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Kailangan lamang natin magtiwala sa kaniya ng buong-buo kung nais natin na matagpuan ang katotohanan sa ating buhay.

“Sumagot si Jesus. “Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko”. (Juan 14:6)

Ito’y ang katotohanan na hindi lamang tayo nabubuhay para magliwaliw, magpakasaya at magpakalunod sa mga bagay na inaalok ng mundo ito. Kundi nabubuhay din tayo para magpuri, manampalataya at maglingkod sa Panginoon.

Ang buhay ng isang tao ay may hanggangan (Lahat tayo ay mamamatay). Maaaring ito ang ipinamulat sa akin ni Jesus na ang masasamang gawain ko noon ay hindi maghahatid sa akin sa Langit.

Kaya kung nais kong makarating sa kaniyang Kaharian ay kailangan ko munang isuko ang aking buhay sa kaniya at may malalim na pananampalataya.

September 8, 2013 – 4 p.m. Mass (Araw ng Linggo at kaarawan ng Mahal na Birheng Maria) nang ma-install kami bilang mga Lay Minister ng Santo Domingo Church. Lima kaming mga bagong Lay Minister na lumuhod sa harapan ng altar para basbasan ng dating Parish Priest na si Fr. George Moreno, O.P.

Pagkatapos ng seremonya, nagsimula din sa araw na iyon ang pagbibigay namin ng Holy Communion para sa mga Parishioners ng Simbahan. Nagse-serve ako sa Misa mula 9 a.m. hanggang 7 p.m. Umuuwi lamang ako sa bahay pagkatapos ng 12 noon Mass at saka ako bumabalik para sa 4 p.m. Mass.

Minsan, may nagtanong sa akin kung bakit daw kailangan akong maghapon na nasa Simbahan? Hindi ko daw ba inaalala ang aking pamilya na dapat ay kasama ko sa araw ng Linggo?

Tinugon ko siya na: “Sa loob ng isang linggo ay anim na araw kong kasama ang aking pamilya. At ang araw ng Linggo ang natatanging araw na kailangan ko naman ilaan para maglingkod sa Diyos, isang araw lang ang kailangan kong ilaan o ibigay para sa kaniya. (Panginoon)

Ano ba ang mensahe sa kuwento ng babaeng balo na naghulog ng dalawang tigsi-singkuwenta sentimo sa hulugan ng barya sa Templo? Maliit man ang kaniyang ini-ambag kumpara sa mga mayayaman na naghulog ng malalaking halaga. Ang inihulog naman niya ay ang kaniyang buong puso para sa Diyos. (Marcos 12:41-44)

Ito’y naglalarawan sa dalawang piraso ng barya na inihulog ng babae. Hindi tinitignan ng Diyos ang laki o liit ng ating ambag (Serbisyo sa Panginoon). Kundi ang pamamaraan kung paano natin ito ibinibigay at ipinagkakaloob.

Ang pagsisilbi o pagse-serbisyo natin sa Panginoong Diyos ng buong-puso at may katapatan ang higit niyang pinahahalagahan. Anong saysay ang ating pagse-serve sa Misa subalit wala naman sa ating puso ang ating paglilingkod.

“Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga Alagad. “Ang sinomang nagnanais na sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang Krus at sumunod sa akin,” (Mate0 16:24)