Martin

VAT refunds magpapalakas ng turismo, kalakalan ng lokal na produkto — Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Dec 9, 2024
39 Views

KUMPIYANSA si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na ang bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Lunes, upang mabigyan ng VAT refunds ang mga non-resident tourist ay makatutulong ng malaki sa paglago ng sektor ng turismo at lokal na kalakalan.

“This piece of legislation will greatly boost international tourism and the sale of goods by tourist-oriented establishments,” ani Speaker Romualdez, lider ng mahigit 300 kinatawan ng Kamara.

Ayon kay Romualdez inaasahan ang pagtaas ng bilang ng mga dayuhang turistang bumibisita sa bansa at ang pagtaas ng kanilang pagbili ng mga lokal na produkto dahil sa VAT refunds na magdudulot ng higit pang mga aktibidad pang-ekonomiya na pakikinabangan ng Pilipino.

Ang bagong batas— ang “An Act creating a VAT refund mechanism for non-resident tourists, ay nag-aamyenda sa National Internal Revenue Code of 1997.

Ang VAT rate sa bansa ay 12 porsyento ng gross selling price.

Binanggit pa ni Speaker Romualdez na ang mga bansang madalas bisitahin ng mga international tourist tulad ng Japan at Singapore ay nag-aalok ng VAT o tax refunds bilang insentibo sa mga bisita.

Ayon sa kanya, may mga malalaking tindahan sa mga bansang ito na nagbibigtay ng refund sa VAT o local sales tax, na siyang dahilan kung bakit naging tanyag ang mga ito sa mga turista.

“Just ask Filipinos who have visited Japan, and they will tell you that they patronize these megastores not only for the products they sell at lower prices but also for the tax refunds,” saad pa nito.

Dagdag pa ng kongresista, na maaring may matutunan ang Pilipinas sa mga karanasang ito mula sa ibang mga bansa.

Sa ilalim ng VAT refund law, ang mga turista o non-resident foreign passport holders, ay maaring mag-apply kung sila ay bibili ng mga produkto mula sa isang accredited store, kung ang mga produkto ay dadalhin sa palabas ng bansa sa loob ng 60 araw mula sa petsa ng pagbili, at kung ang halaga ng mga produktong binili ay hindi bababa sa P3,000 bawat transaksyon.

Pinahihintulutan ng batas ang Department of Finance (DOF) na mag-kontrata ng isa o higit pang mga lehitimo, globally recognized, at may karanasan sa VAT refund operators upang pamahalaan ang VAT refund system para sa mga turista.

Ang mga refund ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng cash o gamit ang mga electronics method.

Inaatasan ng batas ang DOF, kasama ang Department of Trade and Industry, Department of Transportation, Department of Tourism, National Economic and Development Authority (NEDA), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Bureau of Customs (BoC), na magbigay ng mga alituntunin at regulasyon para sa implementasyon nito.

Ayon sa NEDA, inaasahang makalikha ang VAT refund law ng karagdagang kita na mula P3.3 bilyon hanggang P5.7 bilyon mula 2024 hanggang 2028, at magbibigay ng 4,400 hanggang 7,100 bagong trabaho bawat taon.