Calendar
Rep. Chua kinondena pang-aabuso sa tiwala ng publiko sa maling paggamit ng P612.5M secret funds
KINONDENA ng chairman ng House committee on good government and public accountability ang pang-aabuso umano sa tiwala ng publiko sa maling paggamit ng kabuuang P612.5 milyong confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua sa ikawalong pagdinig ng komite nitong Lunes upang malaman: “Kung saan napunta ang confidential funds?”
“Siguro po panahon na upang harapin natin ang katotohanan na hindi lahat ng mga nahahalal o nalalagay sa posisyon sa gobyerno ay pwedeng basta-bastang pagkatiwalaan,” ani Chua sa kanyang pambungad na pahayag.
“Kailangan pa rin ng safeguards, pati sa ‘confidential funds.’ Sapagkat hindi maiiwasan na may mga magtatangkang gamitin ang pagka-confidential nito upang itago ang impormasyon at pang-aabuso sa tiwala ng taumbayan,” dagdag pa nito.
Nagbabala rin si Chua sa paggamit ng salitang “confidential” upang pagtakpan ang katotohanan at makaiwas sa pananagutan, na nabulgar sa imbestigasyon ng komite hinggil sa maling paggamit ng mga confidential fund na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng pangangasiwa ni Duterte.
“Para sa kaalaman ng lahat, ang ‘confidential’ funds ay hindi ‘discretionary’ allowance o funds ng isang ahensya. Hindi siya ‘secret funds’,” punto pa ng kongresista.
Napag-alaman ng komite na mula noong huling bahagi ng 2022 hanggang ikatlong quarter ng 2023 ay gumastos ang OVP ng P500 milyon at ang DepEd ng P112.5 milyon sa mga confidential fund.
Ang kabuuang P612.5 milyon ay nagkulang sa malinaw na dokumentasyon at accountability, na nagpapakita ng mga kahinaan sa pagsusuri at transparency ng mga gastusing ito.
“Ginagamit nila ang salitang ‘confidential’ upang magbigay sa atin ng pekeng ilusyon na kahit ito’y lihim, ang mga pondo ay ginastos nang tama—ngunit bakit kailangan pa itong itago sa mga taong tunay na nagpondo nito?” ayon kay Chua.
Ipinahayag niyang walang katwiran ang hindi pagbibigay-linaw sa pondong mula sa kaban ng bayan.=
Binanggit din ng solon ang kakulangan ng malinaw na panuntunan na nagbigay pagkakataon sa maling paggamit ng mga pondo ng gobyerno.
Ipinunto ni Chua na ang mga special disbursing officer (SDO) na itinalaga upang mangasiwa ng malalaking halaga ng pondo ay hindi sapat ang bond, kaya nagiging madaling malustay at abusuhin ang mga pondo ng gobyerno.
“Ang halaga ng fidelity bond para sa [SDOs] ay napakababa kumpara sa pondo na kanilang hawak,” ayon kay Chua.
Inihalimbawa ni Chua ang kaso ni SDO Gina Acosta ng OVP, na pinagkatiwalaan ng P500 milyon ngunit may fidelity bond lamang na P8 milyon.
Gayundin, si SDO Edward Fajarda ng DepEd ay namahala ng P50 milyon ngunit ang bond na hawak ay P4 milyon lamang.
Sinabi ni Chua na ang kawalan ng tamang auditing mechanism ay lalo pang nagpapalala sa problema.
“Pinakanakakabahala rin ay tila walang maayos na sistema o paraan upang masigurado o mai-check o audit ng COA (Commission on Audit) na nasa wasto ang paggasta ng mga confidential funds,” saad nito.
Pinuna ni Chua ang mga umiiral na patakaran na pinapayagan kahit malabo o mga resibo na isinulat ng kamay mula sa mga hindi nabeberipikang pinagmulan bilang batayan ng pag-liquidate.
Tinukoy ni Chua ang mga kaso nina “Mary Grace Piattos” at “Kokoy Villamin,” na sinasabing nakatanggap ng confidential funds, na kalaunan ay natuklasan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na wala silang mga rekord sa civil registry, na maaaring kathang-isip lamang.
Upang tugunan ang mga isyung ito, nagmungkahi ang komite ng dalawang batas: ang Confidential and Intelligence Funds Act at ang Act Regulating Special Disbursing Officers at Imposing Penalties for Misappropriation.
Ang unang panukala ay naglalayong magtakda ng mas mahigpit na mga patakaran sa paglalaan at paggamit ng confidential funds, na nangangailangan ng detalyadong mga ulat “under oath” at malinaw na mga gabay sa paggamit.
Samantala, ang pangalawa ay naglalayon na palakasin ang mga hakbang para proteksyunan ang pondo ng bayan sa pamamagitan ng muling pagsusuri sa mga kinakailangan para sa fidelity bond at pagpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga pag-abuso.
“Panahon na upang magpatupad ng mas mahigpit na mga alituntunin sa paggamit ng confidential funds, para sa mga confidential na gastos,” ayon kay Chua.
Kinakailangan ang mga reporma upang matiyak ang transparency nang hindi isinasakripisyo ang pambansang seguridad, aniya.
“Kapag nagamit na ang confidential funds para sa kanilang layunin, wala nang dahilan upang hindi maging bukas at maging transparent,” dagdag pa nito.
Bagaman ang mga natuklasan ng komite ay isang malaking hakbang ng pagsulong, inamin ni Chua na malayo pa ang pagtatapos ng imbestigasyon.
Habang binanggit ang posibilidad ng karagdagang imbestigasyon sa mga kahina-hinalang gastusin ng tanggapan ni Pangalawang Pangulong Duterte, sinabi ni Chua na: “Marami pa tayong kailangang busisiin at suriin upang matukoy kung ano pang aspeto ng paggamit ng pera ng bayan ang kailangang punan ng batas.”
“Ang mamamayang Pilipino ay may karapatang malaman kung saan napunta ang kanilang pinaghirapang pera,” dagdag pa ng kongresista. Idinagdag niya na nangangako na magpapatuloy ang komite sa pagsusulong ng mga hakbang upang maiwasan ang paggamit ng confidential funds upang pagtakpan ang korapsyon.