Tolentino

Sen. Tol pangunahing tagapagsalita sa paggawad ng SGLG sa mga LGU

Edd Reyes Dec 10, 2024
85 Views

NAGING panauhing tagapagsalita si Senator Francis Tolentino sa pagkakaloob ng parangal ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga ginawaran ng Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa malalayong rehiyon Martes ng tanghali sa Tent City ng Manila Hotel.

Sa kanyang mensahe, mainit na nagpahatid ng pagbati si Sen.Tolentino sa mga alkalde ng iba’t-ibang lungsod at munisipalidad at maging ng mga gobernador na nagmula pa sa Region 13 o ang Caraga Administrative Region, Region 1 o Ilocos Region, at Region 4-A o Calabarzon, na ginawaran ng SLGL ng DILG.

“To the winners of the SGLG again, my warmest congratulations. This recognition is more than just a symbol of success it is a testament to your dedication, integrity and ability to inspire meaningful change you have demonstrated that good governance is not really a goal but a way of serving on people with transparency, accountability, and a relentless pursuit of progress,” pahayag ni Tolentino sa kanyang maikling talumpati.

Ayon pa kay Tolentino, ang parangal na iginawad sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan ang nagsisilbing moog ng buong bansa para makamit ang kaunlaran dahil kapag ang mga bayan, lungsod, at lalawigan ay nagsumikap, kasamang nagsusumikap ang buong bansa.

Sa naturang kaganapan, naibahagi naman ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang matagal aniyang hindi pagkakaunawaan noon ng kanilang pamilya at pamilya ni Sen. Tolentino, mula taong 1963 hanggang 2016, na nagsimula pa sa kani-kanilang mga magulang dahil lamang sa pulitika.

Gayunman, sa paglipas aniya ng panahon, namulat sila sa bagong estilo ng pamamalakad dahil noong taong 1985, hinangaan niya si Sen. Tolentino na noon ay alkalde ng Tagaytay nang gawin niyang premier tourist destination ang lungsod kaya marami siyang natutunan dito na ginaya niya ng maging gobernador ng Cavite.

“Ibig sabihin noon, good governance should unite us all it should not divide us, politics divide us, but good governance should put us all together. Nagkasundo ang Cavite because of good governance,” sabi pa ni Remulla.